3,668 total views
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
2 Pedro 1, 16-19
Mateo 17, 1-9
Feast of the Transfiguration of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.
Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 17, 5k
Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muli nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Nagbagong-anyo si Hesus habang siya’y nagdarasal. Nananalig sa bisa ng panalangin, idulog natin ang ating mga kahilingan sa Bukal ng lahat ng biyaya:
Mahabaging Diyos, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahang Panlahat: Nawa ang mabuting asal ng kanyang mga miyembro ay maging bukal ng inspirasyon at kaliwanagan sa ibang tao. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng pinunong relihiyoso: Nawa magtagumpay sila sa pagtatanim sa puso ng bawat isa ng pagmamahal sa panalangin at pagsunod sa Mabuting Balita. Manalangin tayo!
Para sa may malubhang sakit na halos matuksong mawalan na ng pag-asa: Nawa makatagpo sila sa pagbabagong-anyo ni Hesus ng lakas at pampasiglang kailangan nila upang ihanda ang kanilang sarili para sa kanilang pakikipagtagpo sa kanya. Manalangin tayo!
Para sa kabataang ang pakiramdam ay hindi sila nauunawaan ng kanilang mga magulang at guro: Nawa makita nila sa mga turo at halimbawa ni Hesus ang sagot sa kanilang pag-aalala. Manalangin tayo!
Para sa ating kura paroko at iba pang pari sa ating parokya: Nawa gantimpalaan sila ng Panginoon sa kanilang pagkabukas-palad sa pagtugon sa ating mga pangangailangang espirituwal, sa paghahati ng banal na tinapay ng salita ng Diyos, ng Eukaristiya, at iba pang sakramento. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan: Nawa magpasalamat tayo at makipagtulungan sa paglilingkod ng ating kura paroko at kanyang mga katulong at tayo nawa’ y maging kasiya-siya sa kanila. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo! B.
Panginoong Diyos, itulot Mong malugod kaming makinig sa turo ng Iyong nagbagong-anyong Anak at ito’y isabuhay, upang kami’y magalak sa kanyang presensiya sa Kaharian ng Liwanag kung saan siya nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!