2,164 total views
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 35, 1-6a. 10
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal
Santiago 5, 7-10
Mateo 11, 2-11
Third Sunday of Advent (Gaudete Sunday) (Rose or Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 35, 1-6a. 10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron.
Mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya:
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya:
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya:
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya:
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Halina, Panginoong D’yos
upang kami ay matubos.
o kaya:
Aleluya! Papurihan
ang ating Poong Maykapal.
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 5, 7-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Kaya nga’t magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang bunga ng kanyang bukirin, at ang pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Isaias 61, 1
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat’dan
ang mga dukha ng aral.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 2-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos at dakila kaysa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Habang nananalig tayong tutupad ang Panginoon sa Kanyang mga pangako, idulog natin sa Kanya ang mabibigat nating problema sa mga araw na ito. Nagtitiwala sa Kanyang pagmamahal, manalangin tayo:
Ama ng lahat ng kasiyahan, dinggin Mo kami!
Para sa lahat ng Katoliko sa buong mundo: Nawa ang Adbiyento ay maging bukal ng biyaya at pag-asa habang pinananabikan natin ang pagdiriwang ng Kaarawan ng Panginoon. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng iba pang pinunong espirituwal: Nawa mapukaw nila sa atin ang tiwala’t pananalig habang nagsisikap silang tumugon sa maraming hamon ng ating panahon. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng nalilito’t di makakita ng kahulugan sa kanilang gawai’ t pagdurusa: Nawa ang tapat nating pagtulong ay magdulot ng kailangan nilang liwanag at pampasigla. Manalangin tayo!
Para sa mga sumusunod sa mga maling mesiyas ng pakinabang, kasikatan, kasiyahan, at kapangyarihan: Nawa maisip nilang si Hesus lamang ang ganap na makatutugon sa pinakahahangad nila. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng biktima ng digmaan at ibang anyo ng karahasan sa Ukraine, Iraq, Palestina, Israel, Syria, at iba pang panig ng mundo: Nawa ang espiritu ng kapatirang dulot ni Hesukristo ay maging bukal ng kasiyahan at kaligtasan para sa kanila. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Nawa ang kagalakan ng ating pananabik sa pagbabalik ng Panginoon ay magdulot ng tunay na pagba- bago sa ating buhay Kristiyano. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
O Diyos Ama, kahabagan Mo ang maraming nagtitiis ngayon ng iba’t ibang anyo ng kahirapan. Ipadama Mo ang nakagiginhawang pamamalagi ng Iyong Anak na si Hesus, pagkat siya lamang ang aming pag-asa at kaligtasan, at nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.
Amen!