Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LINGGO, ENERO 14, 2024

SHARE THE TRUTH

 6,790 total views

Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

1 Samuel 3, 3b-10. 19
Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20
Juan 1, 35-42

Second Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 3, 3b-10. 19

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, si Samuel nama’y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na, siya’y tinawag ng Panginoon, “Samuel, Samuel!”

“Po,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.” Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.

Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinatawag ninyo ako.”

Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig po ang inyong lingkod.”

Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon.
At dininig niya ang aking pagtaghoy;
tinuruan niya ako pagkatapos
ng bagong awiting pampuri sa Diyos.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon naman ay sa katawan. Muling binuhay ng Diyos ang Panginoong Hesus, at tayo ma’y muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

Hindi ba ninyo alam na kayo’y mga bahagi ng katawan ni Kristo? Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay kaisa niya sa Espiritu.

Huwag kayong makikiapid. Sa alinmang ibang kasalanan na ginagawa ng tao, iba ang napipinsala. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya’t gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 1, 41. 17b

Aleluya! Aleluya!
Natagpuan ang Mesiyas
ng sa kanya’y naghahanap.
Siya’y pag-ibig na matapat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 35-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.

Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Yamang naliwanagan tayo ng Salita ng Diyos at napatibay sa ating pasiyang gawin ang nakalulugod sa Panginoon, idalangin natin sa Kanya ang ating mga kahilingan.

Panginoon, dinggin Mo kami!!

Para sa buong Simbahan: Patuloy nawa siyang maging ilaw ng katotohanan at tagapagtanggol ng kalinisang-puri. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng mga pinunong espirituwal: Nawa’y patuloy tayong maliwanagan sa kanilang pangaral at mabigyang inspirasyon sa pama- magitan ng kanilang kabutihan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga tinawag ng Panginoon upang maglingkod sa ating pamayanan: Nawa’y gampanan nila ang kanilang tungkulin ng bukas-loob at tapat sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga sangkot sa paggawa at pagpapakalat ng mga pornograpikong materiyal: Nawa’y mapagtanto nila ang bigat ng pinsalang moral na idinudulot nila sa maraming tao. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga naging biktima ng mga malalaswang pahayagan, palabas, at pelikula: Nawa’y maalaala nilang ang katawan ay hindi ginawa para sa immoralidad kundi upang magbigay kaluwalhatian sa Diyos. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa’y palagi tayong tumugon sa panawagan ng Diyos upang mamuhay bilang mabubuting Kristiyano at responsable at tapat na mamamayan. Manalangin tayo!

Tulungan nawa tayo ng Panginoon upang mapahalagahan natin ang iba-ibang mga kaloob na karisma ng Espiritu Santo, upang matuklasan natin ang iba-ibang trandisyon at ritwal sa Simbahang Katolika, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, patuloy mo kaming tinatawag upang maging “asin ng lupa” at “liwanag ng mundo.” Ipagkaloob Mo nawa sa amin ang biyayang tuwina’y maging “asin at liwanag” sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

THEATRE OF THE ABSURD

 893 total views

 893 total views “Theater that seeks to represent the absurdity of human existence in a meaningless universe by bizarre or fantastic means”. Kapanalig, ito ang tawag

Read More »

MISALIGNED

 14,953 total views

 14,953 total views Nararapat ang pagsasanay ng mga guro ay naka-aligned sa reyalidad at pangangailangan ng mga modernong silid-paaralan sa bansa. Ngunit, natuklasan sa pag-aaral ng

Read More »

SONA

 33,524 total views

 33,524 total views STATE OF THE NATION ADDRESS (SONA)… Ito ay pag-uulat sa bayan ng pangulo ng Pilipinas taon-taon. Sa SONA, dapat inilalatag o ipinapaalam ng

Read More »

Para saan ang confidential funds?

 58,909 total views

 58,909 total views Mga Kapanalig, inanunsyo kamakailan ng mayor ng Capas, Tarlac na hindi na isasama ng kanyang opisina ang confidential funds sa annual budget ng

Read More »
12345

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Hulyo 28, 2025

 214 total views

 214 total views Lunes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 32, 15-24. 30-34 Salmo 105, 19-20. 21-22. 23 Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y

Read More »

Linggo, Hulyo 27, 2025

 1,018 total views

 1,018 total views Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Genesis 18, 20-32 Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8 Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Read More »

Sabado, Hulyo 26, 2025

 1,736 total views

 1,736 total views Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal ng Birheng Maria Exodo 24, 3-8 Salmo 49, 1-2. 5-6. 14-15 Sa

Read More »

Biyernes, Hulyo 25, 2025

 2,327 total views

 2,327 total views Kapistahan ni Apostol Santiago 2 Corinto 4, 7-15 Salmo 125, 1-2ab, 2kd-3. 4-5. 6 Ang nagtanim na may luha ay aaning natutuwa. Mateo

Read More »

Huwebes, Hulyo 24, 2025

 2,576 total views

 2,576 total views Huwebes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, Pari Exodo 19, 1-2. 9-11. 16-20b Daniel 3,

Read More »
12345

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES