2,119 total views
Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 8, 23b – 9, 3
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
1 Corinto 1, 10-13. 17
Mateo 4, 12-23
Third Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday of the Word of God
UNANG PAGBASA
Isaias 8, 23b – 9, 3
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, mula sa Dagat Mediteraneo hanggang sa ibayo ng Jordan, ang Galilea ng mga Hentil.
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig, ako’y mabubuhay
at sasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 1, 10-13. 17
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ako’y nananawagan sa inyo sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo: magkaisa kayo sa pananalita, isipa’t layunin upang mawala sa inyo ang pagkakabaha-bahagi. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na kayo raw ay may mga alitan. Ito ang tinutukoy ko: sabi ng isa, “Kay Pablo ako”; sabi naman ng isa, “Ako’y kay Apolos.” May iba namang nagsasabi, “Kay Pedro ako”; at may nagsasabi pang, “Ako’y kay Kristo.” Bakit? Nahahati ba si Kristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Bininyagan ba kayo sa ngalan ni Pablo? Sinugo ako ni Kristo, hindi upang magbinyag kundi upang mangaral ng Mabuting Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo’y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 4, 12-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali
daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan,
Galilea ng mga Hentil!
Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman
sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!
Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw
sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”
Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.”
Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ng kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 4, 12-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali
daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan,
Galilea ng mga Hentil!
Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman
sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!
Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw
sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”
Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-3 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Espirituwal na kaisa ng lahat ng taong may mabuting kalooban, idulog natin sa Panginoon ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan at ng mga taong mahal sa atin. Ang sagot natin ay:
Panginoon, pakinggan mo Kami!
Para sa Simbahang Katolika, ang tanging mag-anak ng Diyos sa lupa: Nawa lagi siyang maging Mabuting Balita sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa mga turo ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng mga pinunong espirituwal: Nawa magtagumpay ang kanilang pagsisikap sa pagpapalago ng kabihasnan ng buhay, pagmamahalan, at kapayapaan. Manalangin tayo!
Para sa mga nakatalaga sa pagtataguyod ng katarungan at kapayapaan: Nawa magtagumpay ang kanilang pagsisikap upang ang sangkatauhan ay mabuhay sa pagkakasundo, pagtutulungan, at kasaganaan. Manalangin tayo!
Para sa mga tinatawagang maging tanging disipulo: Nawa maagap silang tumugon sa paanyaya ng Panginoon at bukas-palad na magpunyagi sa kanilang bo- kasyon nang may buong katapatan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga Kristiyanong mag-anak: Nawa ang kanilang pagtugon sa paanyaya ni Hesus sa isang lalong radikal na pagiging alagad ay kanilang ipaging tagapaghatid ng mabuting balita sa kani-kanilang kapaligiran. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Salamat, Panginoon, sa kaloob mong Banal na Kasulatan at sa pamamatnubay na dulot nito sa amin. Bigyan mo po kami ng biyayang isabuhay ang mensahe nito hanggang sa dulo ng aming buhay. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!