3,051 total views
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon (K)
Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Efeso 1, 17-23
o kaya Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23
Lucas 24, 46-53
Solemnity of the Ascension of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 1-11
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Mahal na Teofilo:
Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kayong hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayang aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”
Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.
Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
o kaya: Aleluya!
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa!
Bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 17-23
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Pumasok si Kristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo’y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang dakilang saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon, may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit minsan lamang pumasok si Kristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iyo’y sapat na. Kung di gayon, kailangan sanang siya’y paulit-ulit na mamatay mula pa nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siya napakita, ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog. Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayun din naman, si Kristo’y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.
Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Hesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing – alalaong baga’y ang kanyang katawan. Tayo’y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang ating mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 28, 19a. 20b
Aleluya! Aleluya!
Humayo’t magturo kayo
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.
MABUTING BALITA
Lucas 24, 46-53
Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo: susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa lungsod hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.”
Pagkatapos, sila’y isinama ni Hesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Betania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit. Siya’y sinamba nila; pagkatapos, sila’y nagbalik sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. Palagi sila sa templo at doo’y nagpupuri sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon (K)
Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay tanda ng atin ring inaasam at pag-asa. Paalaala rin nito ang ating tungkuling maitatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng ating tapat na Kristiyanong pamumuhay. Sa kabila ng ating kahinaan, manalangin tayo:
Panginoon, ikaw ang aming pag-asa!
Nawa’y tapat na magampanan ng Simbahan ang misyon niyang mag-akay sa sangkatauhan sa patuloy na pagbabago, manalangin tayo!
Nawa‘y maakit ng mabuti nating halimbawa ang lahat ng nasadlak sa kamunduhan sa halip ng sa mga pagpapahalagang makalangit, manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng nagkasalang mabigat ay mapukaw ang pagnanasang magbalik-loob at gumawa ng mabuti, manalangin tayo!
Nawa’y pagsumikapan ng lahat ng nasa larangan ng komunikasyon ang pagpapairal ng kapayapaan at pangangalaga sa kapakanang pantao, manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng komunikasyon sa ating bansa’y mabisang makatulong sa ipagkakaroon ng pagmamalasakit at pagkakaisa, manalangin tayo!
Upang ang bawat isa sa atin ay makatagpo ng tunay na katiwasayan sa personal na pakikipagniig sa Panginoon, at sa gabay ng Banal na Puso ay matuto rin tayong magdalang-habag sa buong daigdig, manalangin tayo!
Panginoong Hesus, ituon mo ang aming mga puso sa dakilang pag-asang panawagan ng ating Ama. Pagsikapan nawa namin ang pagtataguyod dito sa lupa sa Kaharian ng katarungan, kapayapaan, at pagmamahalan kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen!