Linggo, Hunyo 22, 2025

SHARE THE TRUTH

 6,450 total views

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (K)

Genesis 14, 18-20
Salmo 109, 1. 2. 3. 4

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

1 Corinto 11, 23-26
Lucas 9, 11b-17

Solemnity of the Most Holy Body and Blood of Christ
Corpus Christi (White)

UNANG PAGBASA
Genesis 14, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, dinalhan ni Melquisedec, hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos, si Abram ng tinapay at alak, at pinagpala ng ganito:

“Pagpalain ka nawa, Abram,
ng Diyos na Kataas-taasan
na lumikha ng langit at lupa.
Purihin ang Kataas-taasang Diyos
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”

At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikapu ng lahat ng kanyang nasamsam.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 109, 1. 2. 3. 4

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayun ang kanyang utos.

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalala sa akin.” Gayun din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Purihin mo, Lungsod ng D’yos,
ang Pastol na Manunubos,
ang Panginoong si Hesus.

Sa abot ng kakayanan
ng lahat ng kanyang hirang,
siya’y dapat papurihan.

Ang sarili niya’y handog
upang lahat ay matubos
at mapalakas nang lubos.

Kasalo’y mga alagad
ng Panginoong Mesiyas
na hai’y buhay sa lahat.

Siya’y dapat na handugan
ng papuri at parangal
ng lahat ng kanyang hirang.

Ngayo’y ating gunitain
ang Huling Hapunang bilin
ng Panginoon sa atin.

Dito naganap ang tipan
na bago at walang hanggan
sa kaligtasan ng tanan.

Ang kasunduang matanda
humantong sa pasinaya
ng hain n’yang inihanda.

Tanang ginanap ni Hesus
ay habilin niyang utos
na ipagdiwang nang lubos.

Ang handog niyang pagkain
at alay niyang inumi’y
laman niya’t dugong hain.

Kanyang turong iniaral
na ang alak at tinapay
ay dugo niya’t katawan.

Manalig tayong matapat
kahit hindi namamalas
ang pagbabagong naganap.

Pagkain ay pinalitan
ni Kristo ng kanyang laman
upang tayo’y makinabang.

Napalitan ang inumin
sa dugo na inihain
ni Hesus para sa atin.

Ating pinagsasaluha’y
si Hesus na Poong mahal,
walang bawas, walang kulang.

Kahit marami o isa
ang tumatanggap sa kanya’y
laging sapat, laging kasya.

Ang may sala’y lapastangan
ngunit ang butihi’y banal
pagdulog sa pakinabang.

Masuwayi’y magdurusa,
mabubuhay ang magtika
nang si Kristo’y matanggap n’ya.

Hinati-hating tinapay
para sa nakikinabang
ay laman ni Kristong buhay
na sa ati’y kanyang alay.

Sa lahat ng tumatanggap
paghahati’y ginaganap
ngunit buo, walang bawas
ang Katawan ng Mesiyas.

Pagkaing mula sa langit
ngayo’y hain sa daigdig.
Handog na kaibig-ibig
kailanma’y di masasaid.

Paghahai’y inilahad
nang ialay si Isaac,
ang korderong nagliligtas,
ang manna ng nagsilikas.

Pastol naming mapagmahal,
kami’y iyong kaawaan,
gawing dapat makinabang
sa pagkaing iyong alay
hanggang langit ay makamtan.

Magagawa mo ang lahat
upang tanan ay maligtas,
akayin mo sa ‘yong hapag
lahat kaming ‘yong alagad
sa buhay mong walang wakas.

ALELUYA
Juan 6, 51

Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 11b-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos; pinagaling niya ang mga may karamdaman.

Nang dumidilim na’y nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin na po ninyo ang mga tao nang makaparoon sila sa mga nayon sa kabukiran sa paligid upang humanap ng makakain at matutuluyan. Nasa isang ilang na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Wala po tayo kundi limang tinapay at dalawang isda, kaya kailangang bumili kami ng pagkain para sa mga taong ito. May limanlibong lalaki ang naroon. Ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pulu-pulutong na tiglilimampu.” Gayun nga ang ginawa nila – pinaupo ang lahat. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga ito, at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain ang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis; at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Yayamang pinagtitibay ng Eukaristiya ang pakikiisa natin kay Hesus at sa isa’t-isa, idulog natin ngayon ang ating mga kahilingan sa Panginoon:

Panginoon, bukal ng awa at pagkakaisa dinggin mo kami!

Nawa’y pahalagahan ng Simbahan ang Eukaristiya at itaguyod ito bilang buklod ng pag-ibig na naglalapit sa atin kay Kristo at sa isa’t isa, manalangin tayo!

Nawa’y makiisa sa Eukaristiya ang lahat ng mananampalataya nang may pag-ibig kay Hesus at sa kapwa, manalangin tayo!

Nawa’y alalahanin nating lahat na ang pagtanggap ng Banal na Komunyon ay kaakibat ng kapasyahang magtaguyod sa katarungan, pakikipagtulungan, at
kapayapaan, manalangin tayo!

Nawa’y makatagpo tayo sa Banal na Sakramento ng inspirasyon at lakas para mamuhay alinsunod sa halimbawa ni Hesus, manalangin tayo!

Para sa lahat ng nasa bingit ng kamatayan, upang ang Eukaristiya ay magsilbing pahimakas ng ganap na pakikiisa sa Diyos at sa lahat ng mga Banal, manalangin tayo!

Upang ang bawat isa sa atin ay makatagpo ng tunay na katiwasayan sa personal na pakikipagniig sa Panginoon, at sa gabay ng Banal na Puso ay matuto rin
tayong magdalang-habag sa buong daigdig, manalangin tayo!

Panginoong Hesus, pagkain ng buhay na walang hanggan, pawiin mo sa amin at sa aming pamayanan ang lahat ng hadlang sa pakikipag-isa sa iyo at sa aming sarili. Gawin mo kaming mga tanda at tagapaghatid ng pag-ibig na nag-uugnay sa iyo sa Ama at sa Espiritu Santo. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 174,021 total views

 174,021 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 151,654 total views

 151,654 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 215,790 total views

 215,790 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 235,529 total views

 235,529 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Lights! Camera! Action?

 155,345 total views

 155,345 total views Mga Kapanalig, napunô ng comedy, drama, action, at suspense ang Senado noong isang linggo. Tila eksena sa game show ang pagtakbo ni Senador

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Mayo 26, 2026

 1,603 total views

 1,603 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 1,603 total views

 1,603 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 1,603 total views

 1,603 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 886 total views

 886 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

Biyernes, Mayo 22, 2026

 885 total views

 885 total views Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay Santa Rita ng Cascia, namanata sa Diyos Mga Gawa 25, 13b-21 Salmo

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top