2,850 total views
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 10-13
Salmo 68, 8-10. 14 at 17. 33-35
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Roma 5, 12-15
Mateo 10, 26-33
Twelfth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 10-13
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan.
Tinagurian nila akong “Kilabot saanman.”
Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!”
Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan.
Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.”
Subalit ikaw’y nasa panig ko, Poon, malakas ka’t makapangyarihan;
madarapa ang lahat ng umuusig sa akin,
hindi sila magtatagumpay kailanman.
Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi.
Mapapahiya sila habang panahon,
at ito’y hindi na makakalimutan.
Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao,
Poon, Diyos na Makapangyarihan,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip.
Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
Awitan ninyo ang Panginoon, inyong purihin ang Poon
sapagkat inililigtas niya ang mga api
mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 8-10. 14 at 17. 33-35
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Poon, sa buti mo’t pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana’y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata’t naroong nilikha!
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 5, 12-15
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala’y di tulad ng pagsuway ni Adan.
Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 26b. 27a
Aleluya! Aleluya!
Kayo at ang Espiritu
ang s’yang magpapatotoo
tungkol sa aral ni Kristo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 26-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.
“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Gaya ng propetang si Jeremias at ng mga apostol, tayo man ay nakararanas ng hirap sa pagiging tapat sa Panginoon. Buong pananalig tayong dumulog sa kanya para tayo tulungan habang nananalanging:
Panginoon, tulungan mo kaming manalig sa iyo!
Para sa buong Simbahan, ang pamayanan ng mga disipulo ni Kristo: Nawa maging tapat siya sa pagsunod sa kanyang Panginoon sa kabila ng lahat ng pagtutol at pagbatikos. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at mga Pinuno ng Simbahan sa lahat ng antas: Nawa lagi silang manalig sa Panginoon at buo ang loob na magbigay-saksi sa kanya sa kanilang buhay. Manalangin tayo!
Para sa mga pari at relihiyosong nahaharap sa mga krisis: Nawa makatagpo sila sa halimbawa ni Hesus ng lakas para magpunyagi sa kanilang bokasyon. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng tinatawagang sumunod kay Hesus nang lalong tapat: Nawa bukas-palad silang tumugon sa kanyang panawagan at magpunyagi sa mabuting gawa. Manalangin tayo!
Para sa ating sarili at lahat ng mahal natin: Nawa pagpalain tayo sa ating mga pagsisikap at iligtas tayo sa lahat ng sama. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, ipagkaloob mo sa amin ang biyayang maka- panaig sa mga pag-aalinlangan at pahalagahan kang higit sa anuman dito sa lupa. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!