325 total views
Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14
Salmo 16, 1. 5-6. 8b at 15
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
2 Tesalonica 2, 16 – 3, 5
Lucas 20, 27-38
Thirty-Second Week of Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila’y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Diyos. Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang inyong ibig mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming ninuno!”
Bago namatay, sinabi ng ikalawang anak nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”
Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya’y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.” Pati ang hari at mga tauhan niya’y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.
Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 5-6. 8b at 15
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
Poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Palagi kong sinusundan ang landas mong itinakda,
hindi ako lumilihis sa kanan man o kaliwa.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayon ako ingatan mo sa lilim ng iyong pakpak.
Yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
IKALAWANG PAGBASA
2 Tesalonica 2, 16 – 3, 5
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang inyong maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.
Sa wakas, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap sa lahat ng dako at dakilain ng lahat tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyo na maligtas kami sa mga buktot at masasamang tao sapagkat hindi lahat ay naniniwala sa salita ng Diyos.
Tapat ang Panginoon. Bibigyan niya kayo ng lakas at ililigtas sa Diyablo. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga sinabi namin sa inyo. Akayin nawa kayo ng Panginoon tungo sa pag-ibig sa Diyos at sa pananatili kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Pahayag 1, 5a. 6b
Aleluya! Aleluya!
Sa yumao’y s’yang panganay
si Hesus na Poong mahal
na dapat nating idangal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 20, 27-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo’y hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila, “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayun din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang napangasawa niya silang lahat?”
Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay spaagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Maikling Pagbasa
Lucas 20, 27. 34-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo’y hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay spaagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.
PAGNINILAY
Katatapos lamang ng Undas. Para sa ating Katolikong Pilipino, panahon ito kung kailan inaalaala at binibigyang pansin at oras ang mga taong malapit sa ating puso na nangamatay na. Kaakibat ng mga gawaing ito ang pag-iisip tungkol sa kabilang buhay—na sila ay nasa isang tahimik at masayang kalagayan.
Ipinapaalaala sa atin ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon ang buhay na walang hanggang—ang susunod na buhay na parang buhay ng anghel. Ito ay isang imahe ng kagandahan at kasayahan.
Hindi na natin kailangan isipin ang mga pasanin ng pamumuhay sa lupa. Hindi na natin mararanasan ang gutom, pagka-uhaw, kirot o hapdi, karamdaman o kamatayan. Pawang walang hanggan ang kaligayahan sa langit.
Para sa ating nananampalataya kay Jesus, ang kamatayan ay daan tungo sa kaganapan ng buhay na walang hanggan.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Natitipon ng pagmamahal ng Diyos at ng ating pananampalataya’t pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon para sa mga nabubuhay at mga yumao. Tugon natin ay:
Panginoon ng Buhay, dinggin Mo kami!
Para sa angkan ng lahat ng sumasampalataya na matatagpuan sa buong mundo: Nawa lagi silang magbigay-saksi sa kanilang pananampalataya sa muling pagkabu- hay sa paraan ng kanilang pamumuhay. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat nating pinunong espirituwal: Nawa makahango sila ng lakas sa mga martir ng matandang panahon para mapaglabanan ang mga kaharap na pagsubok. Manalangin tayo!
Para sa mga di naniniwala sa muling pagkabuhay: Nawa mapag-isip nilang ang buhay natin sa lupa ay may kahulugan lamang kung tatanggapin natin sa Diyos ang angkop na gantimpala sa ating mga pagsisikap. Manalangin tayo!
Para sa mga nagsisikap para sa katarungan at kapayapaan sa ating bayan at sa iba pang panig ng mundo: Nawa magpatuloy sila sa mabuting gawa, kahit na wala silang inaasahang tulong. Manalangin tayo!
Para sa mga nagdurusa at malapit nang lumisan sa mundong ito: Nawa manalig sila nang tapat sa walang hanggang awa ng Panginoon habang tumatanaw sila sa kanilang muling pagkabuhay. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoon, ang buhay namin nawa’y maging angkop sa pananalig namin sa muling pagkabuhay. Nawa mabuhay kaming laging kasama Mo. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen!