7,058 total views
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Exodo 22, 20-26
Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
1 Tesalonica 1, 5k-10
Mateo 22, 34-40
Sunday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
Prison Awareness Sunday
UNANG PAGBASA
Exodo 22, 20-26
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
“Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya’y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako’y mahabagin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, siya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 5k-10
Pagbasa mula sa unang sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya’t naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupa’t hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Inatasan tayo ng Panginoon na gawin ang lahat sa liwanag ng pagmamahal. Sa diwa ng pananampalataya ating hingin ang kanyang gabay upang maging kasangkapan sa paghihilom ng mga sakit at lumbay na dinaranas ng bawat isa sa panahong ito ng pandemiya sa pamamagitan ng kanyang walang maliw na pag- ibig. Sa bawat panalangin, ating itutugon:
Panginoon sa iyong pag-ibig, dinggin mo ang aming panalangin!
Upang ang simbahan na laganap sa buong daigidig sa pamumuno ni Francisco na ating Santo Papa, mga Obispo at ng lahat ng Kaparian ay maging daluyan ng mapanumbalik at walang maliw na pag-ibig ng Diyos sa atin. Manalangin tayo sa Panginoon!
Upang ang mga namumuno sa ating pamahalaan, ang sangay ng ehekutibo, hudikadura at lehislatura ay magka-isa at kanilang alalahanin na sila ay pinagkatiwalaan ng Diyos ng karunungan para gamitin sa tamang paraan upang ang dinaranas nating mga pagyurak sa karapatang pantao ay magkaroon ng lunas. Manalangin tayo sa Panginoon!
Upang ang mga taong naatasang mangalaga sa larangan ng kalusugan ay bigyan ng lakas ng loob na magampanan nila ang kanilang tungkulin sa pagliligtas ng buhay ng mga taong dinapuan ng karamdaman. Manalangin tayo sa Panginoon!
Upang ang mga naatasang mangalaga sa ating mga kapatid na nasa loob ng piitan, ang Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections at sa lahat ng mga piitan sa ating bansa ay magampanan ang kanilang tungkulin ng may kasamang pagmamahal ayon sa kautusan ng ating Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon!
Upang ang lahat ng Kristiyano ay tumugon sa panawagan ng Panginoon sa pagbabahagi ng walang maliw na pag ibig ng Diyos; at mapaghilom ang mga sakit at lumbay na dinaranas ng bawat isa dulot ng iba’t-ibang karamdamang pisikal at emosyonal na nagpapahirap sa mga tao. Manalangin tayo sa Panginoon!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoon, sa pamamagitan ng iyong wagas na pag-ibig sa amin, pinagkalooban mo kami ng buhay at kaligtasan. Tulungan mo kami na tuparin ang pinaka mahalagang utos na “Ibigin ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, isip at kalakasan.” Gayundin naman, patuloy nawa kaming maging tagapag-bahagi ng pag-asa sa aming kapwa lalo na ngayong panahon ng pandemiya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng iyong anak na si Hesus kasama ng Banal na Espiritu.
Amen!