Linggo, Pebrero 8, 2026

SHARE THE TRUTH

 4,170 total views

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 58, 7-10
Salmo 111, 4-5. 6-7. 8a at 9

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

1 Corinto 2, 1-5
Mateo 5, 13-16

Fifth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 58, 7-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang ipinasasabi ng Panginoon:

“Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang iyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway.
Hindi maglalao’t
gagaling ang inyong sugat sa katawan,
ako’y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon,
diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
pag kayo’y tumawag,
Ako’y tutugon agad.
Kung titigilan ninyo
ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita’y iiwasan,
kung ang nagugutom
ay pakakanin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 4-5. 6-7. 8a at 9

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

o kaya: Aleluya.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas,
buong karangalan siyang itataas.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 2, 1-5

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya’t hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ay ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.

“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

‘Di madali ang maging tunay na misyonerong alagad ng Panginoon, sapagkat hinihingi nitong ganap nating isabuhay ang Mabuting Balita. Sa ating kahinaan, manalangin tayo:

Panginoon, pakinggan Mo kami.

Nawa ang Simbahan ay manatiling tapat sa pagtupad ng misyon ni Kristo. Manalangin tayo.

Panginoon, pakinggan Mo kami.

Nawa’y maging inspirasyon sa lahat ng mga Kristiyano ang Santo Papa, mga Obispo, pari, at relihiyoso. Manalangin tayo.

Panginoon, pakinggan Mo kami.

Nawa’y pukawin ng Banal na Espiritu ang lahat sa kabanalan ng buhay mula sa paglilihi hanggang kamatayan, at tulungan silang mamuhay nang tama. Manalangin tayo.

Panginoon, pakinggan Mo kami.

Nawa’y pahalagahan ng mga magulang ang kanilang mga anak at palakihin silang mga mabubuti at tapat na Kristiyano. Manalangin tayo.

Panginoon, pakinggan Mo kami.

Panginoong Hesus, ilaw ng sanlibutan, patatagin mo kami upang maging asin at ilaw sa aming kapwa, ayon sa iyong halimbawa. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ang fourth estate

 22,564 total views

 22,564 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 66,172 total views

 66,172 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 150,423 total views

 150,423 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

SHORT CHANGE

 165,942 total views

 165,942 total views Kapanalig, sinasabi ng Merriam dictionary…, ibig sabihin ng “short change” ay to deprive of or give less than something due: CHEAT Sa kabila

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Mayo 15, 2026

 773 total views

 773 total views Paggunita kay San Isidro, magsasaka Mga Gawa 18, 9-18 Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7 Hari ng sangkalupaan D’yos na Makapangyarihan. Juan 16, 20-23a

Read More »

Huwebes, Mayo 14, 2026

 1,954 total views

 1,954 total views Kapistahan ni Apostol San Matias Mga Gawa 1, 15-17. 20-26 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Hinirang ng D’yos ay dinangal sa piling

Read More »

Miyerkules, Mayo 13, 2026

 4,223 total views

 4,223 total views Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1 Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd

Read More »

Martes, Mayo 12, 2026

 4,707 total views

 4,707 total views Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kina San Nereo at San Achiles, mga martir o kaya Paggunita kay San

Read More »

Lunes, Mayo 11, 2026

 4,719 total views

 4,719 total views Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 16, 11-15 Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a at 9b Panginoo’y nagagalak sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top