339 total views
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 9, 13-18b
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Filemon 9b-10. 12-17
Lucas 14, 25-33
Twenty-third Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Karunungan 9, 13-18b
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
“Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos?
Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?
Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang aming mga panukala.
Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa
ng aming katawang may kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
Nahihirapan kami para mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig;
nahihirapan din kami upang malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makauunawa sa mga bagay na makalangit?
Walang makaaalam ng inyong kalooban malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitasaan.
Sa ganitong paraan lamang maiwawasto mo
ang mga tao sa matuwid na landas.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisapmata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Filemon 9b-10. 12-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Filemon
Pinakamamahal ko, akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo’y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako’y naririto sa bilangguan.
Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako’y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapilitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin.
Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siya habang panahon – hindi na bilang alipin kungi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo – hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon!
Kaya’t kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Salmo 118, 135
Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa ‘min.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Ipinaaalaala sa atin ngayon ng Panginoong Hesus na kung nais nating maging alagad niya, dapat natin siyang mahalin nang higit kaninuman at anuman, at handang magpasan ng ating krus nang buong tapang at tiyaga. Ipanalangin natin ang lahat ng nahihirapan sa ganitong mga kundisyon, kasama na ang ating mga sarili. Maging tugon natin ay:
Panginoon, tulungan mo kaming sumunod sa iyo!
Nawa ang Simbahan ay maging maningning na halimbawa ng katapatan sa mga tuntunin ng Ebanghelyo, at kailanma’y di ito ipagpalit sa materiyal na pakinabang. Manalangin tayo!
Nawa dinggin ng ating kabataan ang panawagan sa kanila ni Hesus na buong pusong sumunod sa kanya at maglingkod sa mga kababayang napagkakaitan, walang tirahan, inaapi, at maysakit. Manalangin tayo!
Nawa maging tapat sa kanilang mga pangako hanggang kamatayan ang lahat ng mga nagtalaga sa Diyos ng kanilang sarili sa pagpapari o buhay-relihiyoso. Manalangin tayo!
Nawa ngayong ipinagdiriwang natin ang Pambansang Buwan ng mga Guro, ang ating mga guro ay laging maging mga inspirasyon sa kanilang salita, saloobin, at gawa. Manalangin tayo!
Nawa ang ating pamayanan ay maging maningning na halimbawa ng katapatan sa mga turo ni Hesus sa isang lipunang batbat ng katiwalian at materiyalismo. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoon, ikaw ang aming tanging yaman, pag-asa, at buhay. Ipagkaloob mo sa amin ang biyayang maging tapat sa iyo sa bawat saglit ng aming buhay upang makatuloy kami sa Kaharian kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.
Amen!