Linggo, Setyembre 7, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,871 total views

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Karunungan 9, 13-18b
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.

Filemon 9b-10. 12-17
Lucas 14, 25-33

Twenty-third Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Karunungan 9, 13-18b

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

“Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos?
Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?
Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang aming mga panukala.
Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa
ng aming katawang may kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
Nahihirapan kami para mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig;
nahihirapan din kami upang malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makauunawa sa mga bagay na makalangit?
Walang makaaalam ng inyong kalooban malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitasaan.
Sa ganitong paraan lamang maiwawasto mo
ang mga tao sa matuwid na landas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisapmata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Filemon 9b-10. 12-17

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Filemon

Pinakamamahal ko, akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo’y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako’y naririto sa bilangguan.

Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako’y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapilitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin.

Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siya habang panahon – hindi na bilang alipin kungi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo – hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon!

Kaya’t kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Salmo 118, 135

Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa ‘min.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ipinaaalaala sa atin ngayon ng Panginoong Hesus na kung nais nating maging alagad niya, dapat
natin Siyang mahalin nang higit sa lahat, at handang magpasan ng ating krus nang buong tapang
at tiyaga. Ipanalangin natin ang lahat ng nagdadaan sa matinding hirap, kasama na ang ating mga sarili:

Panginoon, tulungan mo kaming sumunod sa iyo.

Nawa’y ang Simbahan ay maging maningning na halimbawa ng katapatan sa mga tuntunin ng Mabuting Balita, at kailanma’y di ito ipagpalit sa materiyal na bagay. Manalangin tayo.

Nawa’y dinggin ng ating kabataan ang panawagan sa kanila ni Hesus na buong pusong sumunod sa kanya at maglingkod sa mga kababayang napagkakaitan, walang tirahan, inaapi, at maysakit. Manalangin tayo.

Nawa’y maging tapat sa kanilang mga pangako hanggang kamatayan ang lahat ng mga nagtalaga sa Diyos ng kanilang sarili sa pagpapari o buhay-relihiyoso. Manalangin tayo.

Nawa’y ngayong ipinagdiriwang natin ang Pambansang Buwan ng mga Katekesis, ang ating mga Katekista ay laging maging mga inspirasyon sa kanilang salita, saloobin, at gawa. Manalangin
tayo.

Panginoon, ikaw ang aming tanging yaman, pag-asa, at buhay. Ipagkaloob mo sa amin ang biyayang maging tapat sa iyo sa bawat saglit ng aming buhay upang makatuloy kami sa Kaharian kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Sabotahe sa Ayungin Shoal

 6,789 total views

 6,789 total views Mga Kapanalig, may namataan ang Philippine Navy nito lamang Marso na bangkang pangisda mula sa China na umaaligid sa Ayungin Shoal. Dito nakumpiska

Read More »

Sa loob ng 24 oras

 34,794 total views

 34,794 total views Mga Kapanalig, ano ang pwedeng mangyari sa loob ng 24 oras?  Kung paniniwalaan ang sinabi ng nagpakilalang bagman ni Vice President Sara Duterte,

Read More »

PRIEST’S IN CRISIS

 52,594 total views

 52,594 total views Mental health distress, ito ay nakakaalarma Kapanalig., hindi lang ito nararanasan ng mga kabataan, nararanasan natin ito mga Pilipino. Sa kasalukuyan, tumataas ang

Read More »

The Pattern We Keep Missing

 52,314 total views

 52,314 total views Sa tuwing may kontrobersiya… may nabunyag na pagkakamali… mayroong hinaharap na krisis ang bansa, naging masigasig.., naging maalab tayo sa paghahanap ng accountability.

Read More »

International Wellness Day

 164,488 total views

 164,488 total views Mga Kapanalig, ngayong araw ay International Wellness Day. Sa dami ng krisis natin ngayon, kumusta na kaya tayo? Noong Marso, idineklara ng United

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Abril 22, 2026

 2,507 total views

 2,507 total views Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 8, 1b-8 Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo’y isigaw.

Read More »

Martes, Abril 21, 2026

 4,008 total views

 4,008 total views Martes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Anselmo, obispo at pantas ng Simbahan Mga Gawa 7, 51 –

Read More »

Lunes, Abril 20, 2026

 4,008 total views

 4,008 total views Lunes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 6, 8-15 Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30 Mapalad ang sumusunod sa utos ng

Read More »

Linggo, Abril 19, 2026

 2,706 total views

 2,706 total views Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) Mga Gawa 2, 14. 22-23 Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11 Ituro mo

Read More »

Sabado, Abril 18, 2026

 2,014 total views

 2,014 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 6, 1-7 Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19 Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top