2,874 total views
Lunes Santo
Isaias 42, 1-7
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Juan 12, 1-11
Monday of Holy Week (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 42, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ito ang lingkod ko na aking itataas,
na aking pinili at kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya
ang aking Espiritu,
at sa mga bansa ay
Siya ang magpapairal ng katarungan.
Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita,
ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
Ang marupok na tambo’y hindi babaliin,
ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin,
at ang katarungan ang paiiralin.
Di siya mawawalan ng pag-asa
ni masisiraan ng loob,
paghahariin niya ang katarungan sa daigdig,
ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik
na maghihintay sa kanyang mga tupa.
Ang Diyos ang lumikha’t nagladlad ng kalangitan,
lumikha ng lupa
at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
at ngayon ang Panginoong Diyos
ay nagsabi sa kanyang lingkod,
“Akong Panginoon, tumawag sa iyo,
binigyan kita ng kapangyarihan
upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako
ng pakikipagtipan sa lahat ng tao
at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Kung ang aking buhay ay pagtatangkaan,
niyong masasama, sila’y mabubuwal.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Kahit salakayin ako ng kaaway,
magtitiwala rin ako sa Maykapal.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.
MABUTING BALITA
Juan 12, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro’y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango. Si Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo kay Hesus, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan.” Hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha kaya niya sinabi iyon, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi at kinukupit niya ito. Sumagot si Hesus, “Ano’t siya’y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon.”
Nabalitaan ng maraming Judio na si Hesus ay nasa Betania kaya’t pumaroon sila, hindi lamang dahil sa kanya, kundi para makita si Lazaro na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong saserdote na ipapatay rin si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at nananalig kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Lunes Santo
Sa kabutihang-loob ni Jesus, inaanyayahan tayo na lumapit sa kanya nang buong pagpapakumbaba para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Nakatitiyak tayo sa kanyang habag kaya’t idulog natin sa kanya ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mahabaging tagapagligtas, basbasan Mo kami.
Ang mga nagdurusa at nagdadala ng mabibigat na pasanin sa buhay nawa’y humarap sa mga pagsubok nang may pagtitiyaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bilanggo nawa’y magkaroon ng kaginhawahan ng loob na siyang hatid ng espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magbigay ng tulong sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makakuha ng tapang at lakas mula sa krus ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naunang lumisan sa buhay na ito nawa’y magpahingalay sa kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, isinugo mo sa amin ang iyong Anak sa isang misyon dahil sa iyong habag sa sangkatauhan. Ipagkaloob mo na sa pamamagitan ng kanyang presensya sa aming buhay, lagi kaming paginhawahin ng kanyang kabutihang-loob at lakas. Amen.