LUNES, AGOSTO 22, 2022

Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria

2 Tesalonica 1, 1-5. 11b-12
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 4-5

Sa lahat ay pinahayag,
gawa ng Poong nagligtas.

Mateo 23, 13-22

—————————————————————————-

Isaias 9, 1-6
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Lucas 1, 39-47

Memorial of The Queenship of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
2 Tesalonica 1, 1-5. 11b-12

Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo – Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo:

Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaan ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo.

Dapat kaming magpasalamat sa Diyos tuwina dahil sa inyo, mga kapatid. Matuwid na gawin namin ito sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananalig kay Kristo at patuloy ring umaalab ang inyong pagmamahal sa isa’t isa. Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa simbahan ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

Ito ang katunayan ng makatarungang hatol ng Diyos: na kayo’y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis.

Nawa’y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At ipagkaloob nawa niya sa inyo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng mabuti ninyong hangarin at lubusin ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya. Kung magkagayon, mabibigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Hesus, at kayo naman ay bibigyan din ng karangalan ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 4-5

Sa lahat ay pinahayag,
gawa ng Poong nagligtas.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!

Sa lahat ay pinahayag,
gawa ng Poong nagligtas.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Sa lahat ay pinahayag,
gawa ng Poong nagligtas.

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyosan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.

Sa lahat ay pinahayag,
gawa ng Poong nagligtas.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 23, 13-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop!

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno.

“Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

——————————————————————————

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

o kaya: Aleluya.

Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

ALELUYA
Lucas 1, 28

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 22
Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria

Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na gumawa ng mga dakilang bagay kay Maria at naghatid sa kanya sa maluwalhating trono sa Langit. Ipaalam natin sa kanya ang ating mga pangangailangan sa tulong ni Maria.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa tulong ng aming Inang Maria, pakinggan mo ang aming mga panalangin, Panginoon.

Tulad ni Maria nawa’y magpatotoo ang Simbahan sa mapagligtas na pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamahalaan nawa’y makinig sa tinig ng Diyos sa Simbahan na nananawagang sugpuin ang hindi pantay-pantay na paglago ng pangkabuhayan na siyang namamayani sa pagitan ng mga tao at mga bansa, manalangin tayo sa Pangnioon.

Tulad ni Maria, nawa’y maging matatag tayo sa pananalangin at sa pagnanais na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at maysakit nawa’y makatanggap mula sa Bayan ng Diyos ng tulong at pagtataguyod na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namatay kasama ni Kristo nawa’y muling buhaying kasama niya sa isang bago at ganap na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng aming reyna, ang Pinagpalang Birheng Maria, ipagkaloob mo ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.



truthshop
Shadow
Spiritual Frontliner banner

BE OUR PARTNERS!

ads
ads
ads
ads
ads
ads
2
3
4
ads
ads
previous arrow
next arrow


Subscribe Now to Received Latest News and Blogs

Subscribe us to receive latest News & Update in your inbox