6,014 total views
Lunes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 2, 1-5
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Mateo 8, 5-11
Monday of the First Week of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 2, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
Sa mga huling araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon
Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok.
Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito:
“Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon, sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.”
Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan.
Kung magkagayon, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak,
at karit ang kanilang mga sibat.
Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping ang poon yao’y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo’y pagpalain.
Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Dahilan sa aking kasama’t katoto,
sa ‘yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito:
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.”
Dahilan sa templo ng Poon, ating Diyos,
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Salmo 79, 4
Aleluya! Aleluya!
Halina’t kami’y sagipin
Panginoong Diyos namin
Manunubos na maningning.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako naman ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Lunes
Sa pagpasok natin sa panahon ng Adbiyento, idalangin natin nang buong puso sa Diyos na ating Ama na ang pagkakataong ito ay maging bagong simula ng biyaya na magbubunga ng kapakinabangan para sa atin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng awa, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang mga naglilingkod sa Simbahan nawa’y makapaghatid ng liwanag ng Ebanghelyo sa buong sangkatauhan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating sariling buhay nawa’y maipakita natin sa mga nangangailangan ang ating tulong na pag-ibig at habag katulad nang ipinamalas ng kapitan ng mga sundalong Romano sa kanyang utusan, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang unawain at tanggapin ang mga taong iba ang lahi at pananampalataya kaysa sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kanilang pagdurusa, ang mga matatanda, mga nangungulila, at mga maysakit nawa’y paginhawahin ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kapatid nating namayapa na, nawa’y makatagpo ang Panginoon na pinanabikan nilang makapiling, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming lumago sa pagkamahabagin at makapagbigay ng pag-asa sa lahat ng nakadadaupang-palad namin. Ilapit nawa kami ng panahong ito ng Adbiyento sa iyo at sa isa’t isa habang masaya naming hinihintay nang may buong pag-asa ang pagdating ng iyong Anak, ang aming Tagapagligtas na si Jesu-Kristo na aming Panginoon. Amen.