1,887 total views
Lunes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 28, 10-22a
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Mateo 9, 18-26
Monday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 28, 10-22a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, umalis si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. Nang gabing yaon, siya’y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik manaog doon ang mga anghel. Walang anu-ano’y nakita niya ang Panginoon sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. Darami sila na parang alikabok sa lupa at malalaganapan nila ang apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa. Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita hihiwalayan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala ang Panginoon! Nakapangingilabot ang lugar na ito; ito ang bahay ng Diyos at pintuan ng kalangitan.”
Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. Tinawag niyang Betel ang lugar na yaon na dati’y tinatawag na Luz. Nangako si Jacob nang ganito: “O Diyos, kung ako’y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakani’t pararamtan, at makababalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang magiging Diyos ko. Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng bataong alaalang ito, at iaalay ko sa inyo ang ikapu ng anumang ipinagkakaloob ninyo sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ko’t tahanan, Ikaw ang aking Diyos,
ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Ika’y ililigtas niya sa panganib, sa umang na bitag,
at kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.
Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,
sa kalinga niya ay natitiyak mo na ikaw ay ligtas;
iingatan niya’t ipagsasanggalang, pagkat siya’y tapat.
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.
Pag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan.
D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 18-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus, may dumating na isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harapan niya at ang sabi, “Kamamatay lang po ng aking anak na babae; ngunit sumama lamang kayo sa akin at ipatong ang inyong kamay sa kanya ay mabubuhay siya.” Tumindig si Hesus at sumama sa kanya, gayun din ang kanyang mga alagad.
Sumunod din ang isang babaing may labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit ito sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng kanyang damit. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Bumaling si Hesus at pagkakita sa kanya’y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang babae.
Nang dumating si Hesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang!” At siya’y pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang bata at ito’y nagbangon. At ang balita tungkol sa pangyayaring ito ay kumalat sa buong lupaing iyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Hindi ninais ng Diyos ang ating kamatayan. Nilikha niya tayo para sa buhay ngunit mas pinili natin ang kamatayan sa bawat pagkakasala natin. Si Kristong Tagapagligtas ang nagbabalik sa atin sa buhay, at lumalapit tayo sa Ama sa pamamagitan niya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng buhay, pakinggan mo kami.
Ang Simbahan nawa’y maging tanda ng gawaing mapagpagaling ni Kristo sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa mga may karamdaman sa katawan, isip, at diwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga doktor at mga naras, at yaong mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y magpakita ng habag at kahinahunan ni Kristo sa pag-aaruga sa mga maliliit nating mga kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nagdurusa sa kahirapan nawa’y lumapit kay Jesus na naging hamak para sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pusong wasak nawa’y mapaghilom natin sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at salitang nagdudulot ng kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y masiyahan sa makinang na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, patuloy mo kaming hilumin sa lahat ng masama, at hayaan mong ang iyong kabutihan ang magliwanag sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.