2,559 total views
Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 12, 1-9
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mateo 7, 1-5
Monday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 12, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami.
Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain,
ngunit kapag sinumpa ka, sila’y aking susumpain;
ang lahat ng mga bansa pihong ako’y hihimukin,
na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din.”
Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon; nilisan niya ang Haran noong siya’y pitumpu’t limang taon. Isinama niya ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at kayamanan at nagtungo sa Canaan.
Nagtuloy siya sa isng banal na lugar sa Siquem, sa puno ng roble ng More. Noo’y narooon pa ang mga Cananeo. Napakita kay Abram ang Panginoon. Sinabi sa kanya: “Ito ang bayang ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng dambana para sa Panginoon. Buhat doon, nagtuloy sila sa kaburulan sa silangan ng Betel at huminto sa pagitan nito at ng Hai. Nagtayo rin siya roon ng dambana at sumamba sa Panginoon. Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan. Humihimpil sila habang nasa daan ayon sa hinihingi ng pagkakataon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Sagpakat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa hatol na inihahatol ninyo sa iba. Ang panukat ninyo sa iba ay siya ring ipanunukat sa inyo. Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong gatahilan ang nasa mata mo? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa mahabaging Ama upang maging mapagbigay at mahabagin tayo sa pakikitungo natin sa ating kapwa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ituro mo sa amin ang iyong pagiging mahabagin.
Ang Simbahan nawa’y laging isagawa ang kanyang paglilingkod sa mananampalataya sa pamamagitan ng pagpapagaling at pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y magpakita ng pag-aasikaso at pamamalasakit sa mga dukha at mga yagit ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating sariling pagkakamali nawa’y makita natin at maiwasan ang humusga sa pagkukulang ng iba, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nalulumbay, at mga may kapansanan nawa’y makatagpo ng lakas at kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na kamag-anak at kaibigang yumao nawa’y tumanggap ng kapayapaan at walang hanggang kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Mahabaging Ama, dinadala namin sa iyo ang mga panalangin at mithiin na nagpapahayag ng aming pangangailangan at pag-asa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.