2,678 total views
Dakilang Kapistahan ni San Jose,
Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.
Roma 4, 13. 16-18. 22
Mateo 1, 16. 18-21. 24a
o kaya Lucas 2, 41-51a
Solemnity of Saint Joseph,
Spouse of the Blessed Virgin Mary (White)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.
Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.
Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
At mananatili sa kanya ang tipan.
Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 4, 13. 16-18. 22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma.
Mga kapatid, ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang sanlibutan, hindi dahil sa pagsunod niya sa kautusan kundi sa kanyang pananalig sa Diyos at sa gayun siya’y pinawalang-sala.
Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito’y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham – hindi lamang sa mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat. Ganito ang nasusulat: “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ay may bisa sa harapan ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay. Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya’y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo.” Kaya’t dahil sa kanyang pananalig, siya’y pinawalang-sala.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 83, 5
Purihin ang Poong mahal
sa angkin n’yang kabutihan.
Mapalad ang tumatahan
sa templo ng Poong banal,
nagpupuring walang hanggan.
MABUTING BALITA
Mateo 1, 16. 18-21. 24a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Jacob, ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi niya sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 2, 41-51a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakaririnig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Jose, Kabiyak ng Mahal na Birhen
Kasama ni San Jose na isang lalaking marangal at may dakilang pananampalataya, ilapit natin sa Ama, bilang isang pamilya, ang lahat ng ating kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tagapagbigay ng lahat ng aming pangangailangan, nagtitiwala kami sa Iyo.
Ang Simbahang naglalakbay nawa’y humikayat sa mga tao sa ganap na pagpapanibago ng kanilang buhay kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang tapat na pagpapatotoo sa salita at gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ni San Jose, ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y hindi mabigo sa kanilang tungkuling pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y magsama nang may pagkakasundo sa pamamagitan ng tiwala at pag-unawa sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nangangalaga sa mga maysakit, mga matatanda, mga may kapansanan, mga nangungulila o namimighati nawa’y palakasin sa kanilang mga pagsisikap, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ni San Jose, ang mga namayapa ay magtamasa ng walang katapusang kapayapaan ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, sa iyong kagandahang-loob at sa pamamagitan ni San Jose, ipagkaloob mo ang aming mga hinihingi dala ng aming pananampalataya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.