3,034 total views
Lunes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 2, 1-10
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
Lucas 12, 13-21
Monday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 1-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo’y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
May pananalig na walang maliw sa pagkalinga ng Diyos sa atin, buksan natin ang ating mga puso upang higit nating maunawaan ang mga bgay na mas dapat nating pahalagahan sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, paunlarin mo kami sa iyong pamamaraan.
Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari, at mga relihiyoso nawa’y patuloy na ipadama ang presensya ni Kristo sa buong daigdig sa pamamagitan ng simpleng pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang katarungan at pagkakapantay-pantay nawa’y maisulong sa pamamagitan ng mga pagbabagong pulitikal, panlipunan, at pangkabuhayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging sensitibo sa mga hindi nakaaangat sa buhay at matuto tayong magbahagi ng ating yaman sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makadama ng kayamanan ng presensya ng Diyos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y biyayaan ng awa ng Panginoon ng liwanag, kapayapaan, at kapahingahang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, pinasasalamatan ka namin sa iyong napakaraming biyaya sa amin. Tulungan mo kaming may pananagutang gamitin ang aming mga ari-arian na nagmula sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.