3,076 total views
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Isaias 53, 10-11
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hilig.
Hebreo 4, 14-16
Marcos 10, 35-45
o kaya Marcos 10, 42-45
Twenty-ninth Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday for Cultures
UNANG PAGBASA
Isaias 53, 10-11
Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko:
Inihandog niya ang sarili
upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.
Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala.
Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya,
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami
At alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 14-16
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid:
Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.
ALELUYA
Marcos 10, 45
Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 35-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano iyon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 42-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pinalapit ni Hesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Sa araw na ito, Linggo ng Misyong Pandaigdig, alalahanin natin ang lahat ng ating kapatid sa larangan ng misyon, at ipahayag natin ang ating pakikiisa sa kanila sa pamamagitan ng ating mga mataimtim na kahilingan:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahang Katolika at mga namumuno rito: Nawa’y hindi nila kaligtaan ang kanilang bokasyon na mangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng bansa. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng relihiyoso at laikong hinirang ng Diyos upang maging misyonero: Nawa’y tugunan nila ang kanilang bokasyon nang may buong katapatan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng misyonero: Nawa’y gantimpalaan ng Pangi- noon ang kanilang dedikasyon sa paghahatid ng liwanag ng Mabuting Balita sa lahat sa pamamagitan ng masugid na pangangaral at pagpupunyagi sa mabuting gawa. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga pinuno ng ating pamahalaan: Nawa’y mapagtanto nila na kasama ng kapangyarihan ang responsi- bilidad na maglingkod sa bayan nang buong katapatan at walang paghahanap sa sariling kapakanan lamang. Manalangin tayo!
Para sa ating parokya: Nawa tayo’y maging isang tunay na mapag-arugang sambayanan na handang magbigay-saksi sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating pananampalataya at pagtulong sa ating kapwa. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Nawa’y hindi tayo maghangad ng katungkulan upang magtamo ng karangalan, kundi upang higit na makapaglingkod sa ating mga kapatid nang buong kababaang-loob at kabukasang-palad. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, nawa palakasin ng Iyong biyaya ang aming mga misyonero, aliwin sila sa kanilang pagdadalamhati, at magbunga nawa ng kaligtasan ang kanilang mga pagsisikap para sa lahat. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen!