4,060 total views
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Rosario
Galacia 1, 6-12
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Lucas 10, 25-37
Memorial of Our Lady of the Rosary (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Galacia 1, 6-12
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tinalikdan ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng pag-ibig ni Kristo at bumaling kayo sa ibang mabuting balita. Ang totoo’y walang ibang mabuting balita; lamang, may mga nanliligalig sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin, at inuulit ko: kung may mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siya!
Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko’y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.
Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga’y totoo’t matapat.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
banal at dakila ang kanyang pangalan;
at pupurihin pa magpakailanman.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mahal na Birheng Maria ng Rosaryo
Manalangin tayo sa ating Ama sa tulong ng makapangyarihang pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, Reyna ng Banal na Rosaryo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain mo kami sa pamamagitan ng mga panalangin ng Birheng Maria.
Tulad ni Maria nawa’y pagnilayan ng Simbahan ang misteryo ng buhay at pag-ibig ng Diyos na nahayag kay Kristo at sa mga pangyayari ng ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa halip na tustusan ng mga bansa ang kanilang mga sandatang pandigma at pangwasak nawa’y higit nilang paglaanan ang mga kagamitan para sa pagtataguyod ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Kaisa ni Maria tayo nawa’y magpatuloy sa pananalangin at pagsisikap na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng maka-inang pangangalaga ni Maria, ang mga maysakit at nagdadalamhati nawa’y makatagpo ng paghilom at paglubag ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin para sa rosaryo at sa mensahe ng kapayapaan na hatid ni Maria sa aming mundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.