4,012 total views
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Genesis 2, 18-24
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Hebreo 2, 9-11
Marcos 10, 2-16
o kaya Marcos 10, 2-12
Twenty-seventh Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 2, 18-24
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sinabi ng Panginoong Diyos: “Hindi mainam na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Kaya, lumikha siya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid, inilapit sa tao, at ipinaubaya dito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itawag, iyon ang magiging pangalan nila. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon at mga hayop, maging maamo o mailap. Ngunit wala isa man sa mga ito ang angkop na kasama at katulong niya.
Kaya’t pinatulog ng Panginoon ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae, at inilapit sa lalaki. Sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang siyang itatawag sa kanya sapagkat sa lalaki nagmula siya.”
Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina upang sumama sa kanyang asawa, sapagkat sila’y nagiging iisa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Ang magiging iyong apo, nawa ikaw ay abutin,
nawa’y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 9-11
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahaying tawagin silang mga kapatid.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
1 Juan 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling,
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 2-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
May nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 2-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Batay sa mga aral ng mga pagbasa ngayon na pahalagahan ang kabanalan ng kasal at ang kahalagahan nito sa balak ng Diyos, manalangin tayo ngayon para sa lahat ng pamilya sa buong daigdig:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Nawa’y ang Simbahang Katolika, sa pamumuno ng Santo Papa at mga Obispo, ay matagumpay na maitaguyod ang kaisahan at katatagan ng mga pamilya. Manalangin tayo!
Nawa’y pahalagahan ng lahat ng Katoliko ang kabanalan ng kasal at ipagtanggol ito laban sa lahat ng pagbatikos at pag-uusig. Manalangin tayo!
Nawa’y ang mga mag-asawang dumaranas ng krisis sa kanilang samahan ay makatagpo ng lakas para mapagtagumpayan ang mga problema sa pamamagitan ng dasal at pagmamalasakit sa kanilang mga anak. Manalangin tayo!
Nawa’y pahalagahan ng lahat ng guro ang bokasyon na kaloob sa kanila ng Diyos at magturo sila nang may pagmamahal. Manalangin tayo!
Nawa’y maisabuhay natin ang ating pinaniniwalaan bilang mga Kristiyano at maihanay ang ating buhay ayon sa mga katotohanan ng ating pananampalataya. Manalangin tayo!
Nawa’y maipagtaguyod nating lahat ang estilo sinodal sa ating pamumuhay, sa pananagutan sa isa’t isa, upang mapalaganap ang kaisahan, diwa ng pakikisalamuha at pakikiisa sa misyon ng Simbahan ng lahat mga mga pari, relihiyoso, at laiko. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, sa Iyong plano para sa sangkatauhan, ibig Mo na ang bawat pamilya ay maging isang sakramento ng Iyong mabungang pagmamahal. Pagkalooban Mo ang lahat ng pamilya ng kasaganaan ng Iyong biyaya at kasiyahan ng Iyong presensiya. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!