313 total views
Lunes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Kamahal-mahalang Ngalan ng Birhen
1 Corinto 11, 17-26. 33
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Lucas 7, 1-10
Monday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Holy Name of Mary (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 11, 17-26. 33
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin: ang inyong pagtitipon ay hindi nakabubuti kundi nakasasama. Una sa lahat, nabalitaan kong kayo’y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako’y naniniwalang may katotohanan iyon. Kailangan pang magkabukud-bukod kayo upang makilala kung sino ang mga tapat. Sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ang kinakain ninyo. Sapagkat ang bawat isa sa inyo’y nagmamadali sa pagkain ng kanyang dala, kaya’t nagugutom ang iba at ang iba nama’y nalalasing. Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang simbahan ng Diyos at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Purihin kayo? Hindi! Hindi ko kayo pupurihin!
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayun din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ito ang kalis ng aking dugo ng bago at walang hanggang tipan. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin niyo ito sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.
Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Silang lumalapit sa iyo’y dulutan
ng ligaya’t galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Ang Poon ay Dakila!”
Ng nangaghahangad maligtas na kusa.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang maituro ni Hesus sa mga tao ang kanyang aral, siya’y pumasok ng Capernaum. Doo’y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Hesus, nagpasugo siya sa ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Hesus na puntahan at pagalingin ang alipin. Nang makita nila si Hesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya’y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa,” wika nila. ”Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya’t sumama sa kanila si Hesus. Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan. Ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako’y isang taong nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika! siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ito’y ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at humarap sa makapal na taong sumusunod sa kanya. Sinabi niya, “Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig.” Pagbabalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
May pananampalatayang kasingtatag ng sa senturyon, lumapit tayo sa Panginoon at manalangin para sa pangangailangan ng Simbahan at ng sandaigdigan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, basbasan Mo kaming mga hindi karapat-dapat.
Ang Simbahan nawa’y hindi ituring ang sinuman saanman bilang banyaga o waring hindi kasapi, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namumuno sa ating buhay sibil nawa’y ituring ang bawat tao nang may katarungan at pagkakapantay-pantay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong kakaiba sa atin sa paniniwala, lahi o pinaglakhan nawa’y matutuhan nating unawain at tanggapin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y tumanggap ng kasiyahan ng pag-ibig ng Diyos sa kanilang paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kapatid nawa’y tanggapin sa Kaharian ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng lahat ng tao, tinanggap ng iyong Anak ang pananampalataya ng senturyon na lumapit sa kanya nang may pagtitiwala at pagpapakumbaba. Ipakita mo sa amin ang iyong kagandahang-loob ngayong nananalangin kami sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.