5,045 total views
Lunes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Tesalonica 4, 13-18
Salmo 95, 1 at 3. 4-5. 11-12. 13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Lucas 4, 16-30
Monday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 13-18
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, nang hindi kayo magdalamhati, tulad ng mga taong walang pag-asa. Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus — upang isama sa kanya.
Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga buhay ay hindi maauna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo’y makakapiling niya tayo magpakailanman. Kaya nga, mag-aliwan kayo sa pamamagitan ng mga aral na ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3. 4-5. 11-12. 13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyosan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Doktor, gamutin mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman sa ‘yong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’” At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at pinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Tinanggihan si Jesus ng sarili niyang mga kababayan. Tanggapin natin siya nang may pananampalataya at manalangin tayo sa kanyang pangalan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pumarito ka taglay ang aming kaligtasan.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ipahayag nang may katapangan at isabuhay nang may paninindigan ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ni Kristo sa atin, nawa’y mapagtanto ng sandaigdigan ang bukal ng tunay na karunungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong magulang nawa’y maging matatag sa pagsunod kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit na nabibigatan sa buhay nawa’y madama ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaruga at malasakit ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng kaligayahang walang hanggang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, walang sinuman sa amin ang makalalapit kay Kristo kung hindi mo ito ipinagkaloob; gawin mo kaming iisa sa kanya upang makapiling ka namin sa magpasawalang hanggan. Amen.