Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

MARTES, AGOSTO 22, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,688 total views

Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria

Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Mga Hukom 6,11-24a
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14

Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

Mateo 19, 23-30

Memorial of the Queenship of the Blessed Virgin Mary (White)

Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Mga Hukom 6, 11-24a

Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom

Noong mga araw na iyon, dumating sa Ofra ang anghel ng Panginoon at naupo sa ilalim ng puno ng encina ni Joas na kabilang sa lipi ni Abiezer. Si Gedeon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik at baka siya makita ng mga Madianita.

Nilapitan siya ng anghel ng Panginoon at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo ang Panginoon, matapang na bayani.”

Sumagot si Gedeon, “Bakit ganito ang pamumuhay namin kung sumasaamin ang Panginoon? Bakit wala siyang ginagawang kababalaghan ngayon, tulad noong ialis niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa kuwento nila sa amin? Kami’y pinabayaan na ng Panginoon. Kung hindi ay bakit natitiis niya kaming pahirapan ng mga Madianitang ito?”

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel.”

Sumagot si Gedeon, “Paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming sambahayan ang pinakamaliit sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakamahina sa amin.”

Sinabi sa kanya Panginoon, “Maililigtas mo ang Israel pagkat tutulungan kita. Lulupigin mo ang mga Madianitang ito na para ka lang pumatay ng isang tao.”

Sumagot si Gedeon, “Kung ako, Panginoon, ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”

“Hihintayin kita,” sagot ng Panginoon.

Lumakad na nga si Gedeon. Nagluto siya ng isang batang kambing at isang takal na harinang walang lebadura. Pagkaluto, inilagay niya ito sa basket at naglagay ng sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ng Panginoon sa ilalim ng punong encina. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong iyan ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, busan mo ng sabaw.” Gayun nga ang ginawa ni Gedeon. Ang pagkain ay sinaling ng anghel sa pamamagitan ng tungkod. Nagkaroon ng apoy at nasunog ang handog. At biglang nawala ang anghel.

Noon naniwala si Gedeon na ang anghel nga ng Panginoon ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at nanginginig na nagsalita, “Diyos ko, nakita ko nang mukhaan ang anghel ng Panginoon!”

Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag kang matakot. Hindi ka maaano.”

At si Gedeon ay nagtayo roon ng isang altar na tinawag niyang Ang Panginoon ay Kapayapaan, Panginoon — Salom.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14

Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.

Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Manalangin tayo sa Diyos Ama para sa katatagan na mapaglabanan ang tuso ng materyal na bagay at kasiguruhan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan mo kaming ituon ang aming mga puso sa iyong kaharian.

Ang Simbahan nawa’y magbigay saksi sa halaga ng makalangit na Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mauunlad na bansa nawa’y magbahagi ng kanilang likas na yaman sa mga mahihirap na bansa, at huwag nila silang pagsamantalahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong namumuhay sa karangyaan nawa’y maging matalino sa paggamit ng kanilang kayamanan ayon sa diwa ng pagbabahagi at pagmamahal, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga matatanda, dukha, at maysakit nawa’y maipakita natin ang ating pagkalinga at habag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makibahagi sa kayamanan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang mithiin ng iyong bayan. Mapuno nawa kami ng karunungan ni Jesus, siya na nabubuhay at naghahari, kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.


Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria

Mga Pagpipiliang Pagbasa

Isaias 9, 1-6
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Lucas 1, 26-38

Memorial of The Queenship of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

o kaya: Aleluya.

Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

ALELUYA
Lucas 1, 28

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 22
Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria

Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na gumawa ng mga dakilang bagay kay Maria at naghatid sa kanya sa maluwalhating trono sa Langit. Ipaalam natin sa kanya ang ating mga pangangailangan sa tulong ni Maria.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa tulong ng aming Inang Maria, pakinggan mo ang aming mga panalangin, Panginoon.

Tulad ni Maria nawa’y magpatotoo ang Simbahan sa mapagligtas na pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamahalaan nawa’y makinig sa tinig ng Diyos sa Simbahan na nananawagang sugpuin ang hindi pantay-pantay na paglago ng pangkabuhayan na siyang namamayani sa pagitan ng mga tao at mga bansa, manalangin tayo sa Pangnioon.

Tulad ni Maria, nawa’y maging matatag tayo sa pananalangin at sa pagnanais na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at maysakit nawa’y makatanggap mula sa Bayan ng Diyos ng tulong at pagtataguyod na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namatay kasama ni Kristo nawa’y muling buhaying kasama niya sa isang bago at ganap na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng aming reyna, ang Pinagpalang Birheng Maria, ipagkaloob mo ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Witch hunt?

 15,342 total views

 15,342 total views Mga Kapanalig, inihalintulad ni Senador Juan Miguel Zubiri sa “witch hunt” ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Para daw itong paghahanap

Read More »

Tahimik sa conflict of interest?

 29,302 total views

 29,302 total views Mga Kapanalig, itinanggi ni Senador Mark Villar ang mga akusasyong ginamit niya ang kanyang posisyon bilang dating kalihim ng Department of Public Works

Read More »

Bihag ng sugal

 46,454 total views

 46,454 total views Mga Kapanalig, tinalakay natin sa isang editoryal ang pagkabahala ng presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) na si Kalookan

Read More »

kabaliwan

 96,699 total views

 96,699 total views Ito ang taguri ng Obispo ng Kalookan sa mga ahensiya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa iligal na offshore gambling… ginagawa namang legal

Read More »

Magkaayos Kaysa Maghiwalay

 112,619 total views

 112,619 total views Sa pagsisimula ng 20th Congress, muli na namang isinulong sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang divorce bill. Kailangan ba talaga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hulyo 19, 2025

 243 total views

 243 total views Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Exodo 12, 37-42 Salmo 135, 1

Read More »

Biyernes, Hulyo 18, 2025

 1,246 total views

 1,246 total views Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 11, 10-12. 14 Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18 Sa Panginoong tumubos kalis ng inumi’y

Read More »

Huwebes, Hulyo 17, 2025

 1,880 total views

 1,880 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 3, 13-20 Slamo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27 Nasa isip ng Maykapal

Read More »

Miyerkules, Hulyo 16, 2025

 2,147 total views

 2,147 total views Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen Exodo 3, 1-6. 9-12

Read More »

Martes, Hulyo 15, 2025

 2,668 total views

 2,668 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Exodo 2, 1-15a Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34 Dumulog tayo sa Diyos upang

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top