1,822 total views
Paggunita kay San Benito, abad
Genesis 32, 22-32
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7. 8b at 15
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
Mateo 9, 32-38
Memorial of St. Benedict, Abbot (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Genesis 32, 22-32
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, gumising nang gabi ring yaon si Jacob at itinawid sa Ilog Jaboc ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang aliping babae. Pagkatapos, itinawid ang lahat niyang ari-arian, at mag-isang nagbalik sa kabila.
Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang magbubukang-liwayway. Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya magagapi si Jacob, pinalo niya ito sa balakang at ito’y nalinsad. Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”
“Hindi kita bibitiwan hangga’t hindi mo ako binebendisyunan,” wika ni Jacob. Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya’y si Jacob.
Sinabi sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo’y Israel na ang itatawag sa iyo, hindi na Jacob, sapagkat nakipaglaban ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
“Ano pong ngalan ninyo?” tanong ni Jacob.
“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.
Sinabi ni Jacob, “Nakita ko nang mukhaan ang Diyos, gayunma’y buhay pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel ang lugar na iyon. Sikat na ang araw nang umalis siya roon at pipilay-pilay na lumakad. Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo’y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7. 8b at 15
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
Hahatol ka sa panig ko sa pasiya mong ibibigay,
pagkat iyong natatanto ang tunay na katwiran.
Ang tibukin ng puso ko ay lubos mong nababatid,
sa piling ko, naroon ka’t kahit gabi’y nagmamasid;
ako’y iyong sinisiyasat, nasumpungan mong matuwid,
tapat ako kung mangusap, ang layunin ay malinis.
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayun ako ingatan mo sa lilim ng iyong pakpak;
yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.
Yamang ako ay matuwid,
ang mukha mo’y mamamasid.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 32-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dinala kay Hesus ang isang piping inaalihan ng demonyo. Pinalayas ni Hesus ang demonyo at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao, at sinabi nila, “Kailanma’y walang nakitang katulad nito sa Israel!” Datapwat sinabi ng mga Pariseo, “Ang prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.”
Nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa pamamagitan ng pagkapari sa Bagong Tipan, idinudulot ng Diyos ang mapagpatawad na paglilingkod ng kanyang Anak sa atin. Lumapit tayo sa Panginoon ng ani at manalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, magpadala ka ng mga manggagawa sa iyong anihan.
Ang mga tinatawag sa paglilingkod sa Bayan ng Diyos bilang mga pari, nawa’y dumami pa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansang sarado sa Ebanghelyo nawa’y maihanda at maging mga matatabang lupa para sa paghahasik ng Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod na pari, madre, relihiyoso, katekista, at laykong aposotolado nawa’y makahikayat ng iba pa upang sumama sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa mga natatanging serbisyo sa ating sambayanan nawa’y mapalakas natin ang loob at ating suportahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mapagpatawad na sakripisyo ni Kristo nawa’y magdulot sa mga yumao ng kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng ani, sa pamamagitan ng aming mga panalangin, tipunin mo ang iyong bayan. Bigyan mo kami ng marami pang manggagawa sa iyong misyon upang mapadali ang pagdating ng iyong Kaharian sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.