2,390 total views
Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 8, 1-9
Salmo 145, 2. 5-6. 7. 8-9a.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Mateo 5, 43-48
Tuesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 8, 1-9
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga simbahan sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito’y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay. Sila’y kusang-loob na nag-aabuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi, higit pa. Alam ko ito pagkat mahigpit nilang ipinamanhik sa akin na sila’y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid sa Judea. At higit pa sa inaasahan ko; inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya’t pinakiusapan ko si Tito, yamang siya ang nagsimula nito, na kayo’y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Kayo’y tanyag sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin. Sikapin din ninyong manguna kayo sa pagkakawanggawa.
Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 2. 5-6. 7. 8-9a.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
O kaluluwa ko, ang Diyos papurihan!
Pupurihin siya’t aking aawitan;
aking aawitan habang ako’y buhay.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos
na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na Panginoon, umaasang lubos.
Sa Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Pinalaya niya ang mga nabihag:
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Lumapit tayo sa Ama upang tulungan tayong makasunod sa halimbawa ni Jesus na nag-uutos sa atin na ibigin natin ang ating mga kaaway.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, tipunin mo kami sa iyong pag-ibig.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magbigay saksi sa pamamaraan ng habag, pag-ibig, at pagpapatawad upang masalamin sa kanila ng sanlibutan ang kabanalan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namimighati at nasusuklam sa kanilang kapwa nawa’y mapagtanto na maghihiwalay sa kanila sa Diyos ang pagbibigay daan sa hinanakit at galit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilyang nagkahiwa-hiwalay at sinira ng hindi pagbibigay-halaga sa bawat isa nawa’y muli nilang matagpuan ang dating alab ng pagsasama at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makamit ang kapayapaan ng kaisipan at kalooban na nagmumula sa kanilang pagkaunawa at pagtanggap sa kahalagahan ng kanilang pakikihati sa pagdurusa ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y makihati sa kapayapaan at kaligayahan ng paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, alam mo kung ano ang mabuti para sa amin. Tanggalin mo ang lahat ng hinanakit sa aming mga puso at basbasan mo ang lahat ng aming pagsusumikap na mahalin ang aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.