2,956 total views
Martes ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Norberto, obispo
Tobit 2, 9-14
Salmo 111, 1-2. 7bk-8.9
Sa Poong D’yos nasasalig
ang puso ng taong mat’wid.
Marcos 12, 13-17
Tuesday of the Ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Norbert, Bishop (White)
UNANG PAGBASA
Tobit 2, 9-14
Pagbasa mula sa aklat ni Tobit
Akong si Tobit, pag-uwi ko nang gabi ng Pentekostes, pagkatapos ilibing ang mga patay ay natulog sa aming bakuran. Hindi na ako nagtakip ng mukha dahil sa init. Hindi ko napunang may mga maya palang nakahapon sa tapat ng himlayan ko. Ang mainit pang ipot ng mga ito’y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng kulaba. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako’y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayun na lamang ang pagkabahala ng aking mga kasamahan. Dalawang taon akong inalagaan ni Ahikar hanggang sa siya’y magpunta sa Elam.
Ang asawa kong si Ana ay nagtrabahao bilang manghahabi nang panahong iyon para kumita ng ikabubuhay namin. Pagkahatid ng kanyang mga ginawa ay binabayaran naman siya agad ng may-ari. Minsang nagtatapos ang panahon ng taglamig, naghatid siya ng mga nayari niya. Nakuha agad niya ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng kambing. Umuwi siyang akay ang kambing. Pagpasok niya, humalinghing ang kambing, kaya’t nang marinig ko’y tinawag ko siya at sinabi, “Saan galing ang kambing na iyan? Marahil ay nakaw, ano? Hala, ibalik mo iyan! Hindi tayo dapat kumain ng nakaw!” Ngunit ito ang tugon niya sa akin, “Iyan ay dagdag sa upa sa aking ginawa.” Hindi ko siya pinaniwalaan; pilit kong ipinababalik ang kambing sa may-ari nito. Galit na galit ako sa aking asawa dahil dito. Kaya’t sinumbatan niya ako. Sinabi niya, “Ngayon, nasaan ang iyong pagkakawanggawa? Nasaan ang mga ginawa mong kapuri-puri? Sa wakas, lumabas din ang tunay mong pagkatao.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 7bk-8. 9
Sa Poong D’yos nasasalig
ang puso ng taong mat’wid.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Sa Poong D’yos nasasalig
ang puso ng taong mat’wid.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Sa Poong D’yos nasasalig
ang puso ng taong mat’wid.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Sa Poong D’yos nasasalig
ang puso ng taong mat’wid.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, ilang Pariseo at ilang kampon ni Herodes ang pinapunta kay Hesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. Lumapit sila sa kanya at ang sabi, “Guro, nalalaman po naming kayo’y tapat at walang pinangingimian, sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao. At itinuturo ninyo kung ano ang kalooban ng Diyos sa mga tao. Naaayon po ba sa Kautusan ang pagbabayad ng buwis sa Cesar? Dapat ba kaming bumuwis o hindi?” Ngunit batid ni Hesus na sila’y nagkukunwari, kaya’t sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ibig ninyo akong siluin? Bigyan ninyo ako ng isang denaryo. Titingnan ko.” At kanilang binigyan siya. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus. “Sa Cesar po,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila’y namangha sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Nabubuhay ang mga Kristiyano sa dalawang dimensyon — mamamayan ng lungsod ng Diyos at mamamayan ng lungsod ng mundo. Manalangin tayo na maituon natin ang ating mga puso sa walang katapusang Kaharian na darating para sa pangangailangan ng mundong ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, humimlay nawa ang aming mga puso sa iyo.
Ang mga pinuno at miyembro ng Simbahan nawa’y maging makatotohanan sa kanilang tungkulin na maging mga propetang saksi laban sa mga di-makataong krimen at kawalang katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno nawa’y makatarungang gamitin ang mga bagay na para sa Cesar, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno at mamamayan ng komunidad nawa’y magkaroon ng kamulatang ukol sa kanilang tungkulin bilang mga taong dapat na magbayad ng buwis at mga taong dapat makilahok nang malinis sa pagboto sa eleksyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maunawaan na nagiging isang dakilang biyaya ang kanilang paghihirap, kapag iniugnay sa paghihirap ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga tumawid na sa pinto ng kamatayan nawa’y makarating sa walang hanggang lungsod sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng kasaysayan, inilalagay namin sa iyong pagkalinga ang aming mga kahilingan, nalalaman namin na ang lahat ng mga tao, panahon, at pangyayari ay napapaloob sa iyong kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.