4,989 total views
Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir
Ezekiel 9, 1-7; 10, 18-22
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Mateo 18, 15-20
Memorial of St. Maximillian Kolbe, Priest and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 9, 1-7; 10, 18-22
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sumisigaw ang Panginoon, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lungsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Mula sa pintunan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.
Noon, ang kaningningan ng Panginoon ay lumagay sa itaas ng kerubin sa may pagpasok ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng kayong lino at may panulat sa baywang. Sinabi niya rito, “Libutin mo ang lungsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tanda sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatanda ng bayan sa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Lakad na kayo!” Lumakad sila at pumatay nang pumatay sa lungsod.
Ang kaningningan ng Panginoon ay umalis sa may pagpasok ng Templo at lumagay sa may ulunan ng kerubin. Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaningningan ng Diyos ng Israel.
Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila’y mga kerubin. Sila’y tig-aapat ng mukha at tig-aapat din ng pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mukha nila’y tulad din nang makita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi yaong isa ay doon din yaong iba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Sinabi ni Jesus sa atin, “Kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit.” (Mt 18:19) Kaya manalangin tayo ngayon nang sama-sama,
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin nawa kami ng iyong presensya, Panginoon.
Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging malapit ang kalooban sa isa’t isa at mamuhay sa kapayapaan at pagkakasunduan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng bansa nawa’y igalang ang karapatan ng bawat tao at iwaksi ang pag-uusig at pananakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y makapagsalita ng katotohanan nang may katatagan at pagmamahal, at tanggapin ang anumang pagtatama ng iba nang may kagandahang-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, matatanda, at ang mga nakaratay na sa kanilang tahanan nawa’y makita nila ang kaginhawahan at kasiyahan sa kagandahang-loob ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maging malinis ang budhi at maihanda sa walang hanggang pakikiisa kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, kapiling namin ang iyong Anak, hinihiling namin na tulungan mo kaming manalig sa kabutihan ng bawat tao at maging mahinahon kami sa isa’t isa tulad ng pagiging mabuti mo sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit
sa Mahal na Birheng Maria
Pagmimisa sa Bisperas
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
1 Corinto 15, 54b-57
Lucas 11, 27-28
Vigil of the Assumption of the Blessed Virgin Mary (White)
UNANG PAGBASA
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Pagbasa mula sa Unang aklat ng mga Cronica
Noong mga araw na iyon, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga saserdote at ang mga Levita.
Pinasan ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga pingga, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Iniutos din ni David sa mga pinunong Levita na pumili ng mga kasamang marunong umawit at tumugtog ng kudyapi, alpa at pompiyang.
Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David. Naghandog sila ng mga haing susunugin, at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos ang paghahandog, binasbasan ni David ang mga tao sa ngalan ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Aming nabalita
na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi,
“Ang templo ng Poon ay puntahan natin
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Ang mga saserdote
bayaang maghayag ng ‘yong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
Sa lingkod mong David,
may pangako ikaw, Panginoon namin,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Pinili ng Poon,
na maging tahanan ang Lungsod ng Sion.
Ito ang wika niya:
“Doon ako titira panghabang-panahon,
ang paghahari ko’y magmumula roon.”
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 54b-57
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan: ganap na ang tagumpay!”
“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan, at nagpasuso sa inyo! Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 15
Ang Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria
Iniakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian, nagniningning si Maria bilang isang dakilang tanda ng ating walang hanggang hinaharap bilang Simbahan. Bilang mga mananampalatayang patuloy pa ring naglalakbay patungo sa Kaharian ng Langit, ihatid nating kasama ni Maria ang ating mga panalangin sa Diyos na ating Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Pagpalain Mo kami sa aming paglalakbay sa buhay, O Panginoon.
Bilang isang Simbahan nawa’y asamin natin ang Muling Pagkabuhay na ipinangako ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa mundo nawa’y maging mga kasangkapan ng kapayapaan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyano nawa’y makatagpo ng pagkakaisa sa paglapit kay Maria, ang abang lingkod na itinaas sa kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makabanaag ng pag-asa sa kaluwalhatian ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga patay nawa’y muling mabuhay kasama ni Kristo at magdiwang na kasama ni Birheng Maria at ng mga santo, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng Langit at lupa, nakakarating sa iyo ang aming mga panalangin sa tulong ng aming niluwalhatiang Ina, ang unang mananampalatayang nakibahagi sa kaluwalhatian ng kanyang matagumpay na Anak na si Jesu-Kristo na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.