4,053 total views
Paggunita kay San Roque, nagpapagaling
Deuteronomio 34, 1-12
Salmo 65, 1-3a. 5 at 16-17
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay!
Mateo 18, 15-20
Memorial of St. Rock (Roque), Healer (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 34, 1-12
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Noong mga araw na iyon, si Moises ay umahon sa Bundok ng Nebo, sa ituktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Doon ipinakita sa kanyan ng Panginoon ang buong lupain. Mula sa Galaad hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa kanluran, ang Negeb at ang kapatagan, samakatwid ay ang kapatagan ng Jerico. Ang lungsod ng mga palaspas, hanggang Zoar. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
At si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab, ayon sa salita ng Panginoon. Inilibing siya ng Panginoon sa isang lambak sa Moab sa tapat ng Bet-peor, ngunit ngayo’y walang nakaaalam ng tiyak na lugar. Siya’y sandaa’t dalawampung taon nang mamatay ngunit hindi lumabo ang kanyang paningin. Ni hindi nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel.
Si Josue ay puspos ng kaalaman at kakayahan sa pamamahala pagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang mga kamay nito. At sinunod siya ng mga Israelita. Ginawa nila ang lahat ng utos ng Panginoon. Sa Israel ay wala nang lumitaw na propetang tulad ni Moises na naging tapat at nakakausap nang tuwiran sa Panginoon. Wala ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ng Panginoon sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. Wala ring nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 1-3a. 5 at 16-17
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing,
dumaing sa Diyos na dapat purihin;
handa kong purihin ng mga awitin.
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagasasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Sinabi ni Jesus sa atin, “Kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit.” (Mt 18:19) Kaya manalangin tayo ngayon nang sama-sama,
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin nawa kami ng iyong presensya, Panginoon.
Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging malapit ang kalooban sa isa’t isa at mamuhay sa kapayapaan at pagkakasunduan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng bansa nawa’y igalang ang karapatan ng bawat tao at iwaksi ang pag-uusig at pananakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y makapagsalita ng katotohanan nang may katatagan at pagmamahal, at tanggapin ang anumang pagtatama ng iba nang may kagandahang-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, matatanda, at ang mga nakaratay na sa kanilang tahanan nawa’y makita nila ang kaginhawahan at kasiyahan sa kagandahang-loob ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maging malinis ang budhi at maihanda sa walang hanggang pakikiisa kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, kapiling namin ang iyong Anak, hinihiling namin na tulungan mo kaming manalig sa kabutihan ng bawat tao at maging mahinahon kami sa isa’t isa tulad ng pagiging mabuti mo sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.