1,502 total views
Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 41, 55-57; 42, 5-7a. 17-24a
Salmo 32, 2-3. 10-11. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Mateo 10, 1-7
Wednesday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 41, 55-57; 42, 5-7a. 17-24a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, nang wala nang makain ang mamamayan, ang mga taga-Egipto ay dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya’t ang mga mamamayan nila’y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.
At lumakad ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto upang bumili ng pagkain. Laganap na ang taggutom sa buong Canaan. Si Jose, bilang gobernador ng Egipto, ang nagbibili ng pagkain sa mga tao. Kaya sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila’y yumukod sa kanyang harapan. Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata.
Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.
Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako’y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: Ang sabi ninyo’y tapat kayo, hindi ba? Kung gayon, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba’y magdala na ng pagkaing binili ninyo para sa inyong sambahayan. Ngunit bumalik kayo agad na dala ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo’y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo maaano.” Sumang-ayon ang lahat.
Pagkatapos, ang wika nila sa isa’t isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” wika ni Ruben. “Nagsusumamo ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng interprete kung humaharap sa kanila. Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi niya mapigil ang pag-iyak.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 10-11. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang binabalangkas ninyong mga bansa,
kanyang nababago’t winawalang-bisa.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.
Ang labindalawang ito’y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Diyos.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Bilang bayang tinawag ng Diyos sa iba’t ibang pamamaraan upang ipahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian, itaas natin sa Ama ang ating mga pangangailangan, siya na patuloy na nagmamalasakit sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tumatawag sa amin, panatilihin Mo kami.
Yaong mga tinawag sa Simbahan upang mamuno sa sambayanan ng Diyos nawa’y maging matapang sa pagpapahayag ng Ebanghelyo ni Jesu-Kristo saanmang bahagi ng daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahangad na makita ang Diyos nawa’y makatagpo ng kaliwanagan ng diwa at makatugon nang buong puso sa paanyaya ng Diyos na makapiling siya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y makilala ang tinig ni Kristo na tumatawag sa kanila sa buhay paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng kasiyahan at kalakasan mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y mamahinga sa kapayapaan ng Kaharian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, sa iyong pagtawag sa amin sa pang-araw-araw naming buhay, hayaan mong bigyan kami ng iyong Espiritu ng lakas upang bigkasin ang mga katagang: “Panginoon, narito ako, nakahandang sundin ang kalooban mo.” Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.