Miyerkules, Marso 5, 2025

SHARE THE TRUTH

 6,222 total views

Miyerkules ng Abo

Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ash Wednesday (Violet)

UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.

Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Ang Salita ng Diyos.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab

Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Miyerkules ng Abo

Sa pagsisimula natin ng Panahon ng Kuwaresma, alalahanin natin ang ating mga kapintasa’t pagkukulang, ang karahasan ng tukso, at ang pangangailangan natin sa tulong ng Diyos. Manalangin tayong:

Baguhin Mo ang aming puso, O Panginoon!

Upang ang Simbahan ay walang takot na manawagan sa lahat para sa pagbabalik-loob at mag-akay sa kanila sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng ating mga pinunong pang simbahan at pambayan ay magdulot ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, kalinisan, at katapatan, malangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng mga magulang, guro, at katekista ay makapagpunla sa kabataan ng katapatan sa tungkulin na hatid ng layuning matuwid at marangal, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng nang-aapi sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kapusukan, kasakiman, at kalupitan ay magtigil na sa kanilang masasamang gawi at matutong gumalang at magmahal sa kanilang kapwa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat tayo’y magsimula sa Kuwaresmang ito nang buong kababaang-loob, nagsisisi sa ating mga kasalanan, at may kapasiyahang magbagong- buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang ang lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo ay makatagpo ng lunas sa kanilang mga sugat sa
pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!

Panginoong Diyos, sa Iyo’y dumudulog kaming nagsisisi sa aming mga kasalanan at tapat na naghahangad ng pagbabago sa puso at isipan. Nawa ang aming buhay ay tuwinang maging pagbibigay-puri sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 6,653 total views

 6,653 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 180,587 total views

 180,587 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 158,220 total views

 158,220 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 222,149 total views

 222,149 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 241,468 total views

 241,468 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 451 total views

 451 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 2,108 total views

 2,108 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 2,108 total views

 2,108 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 1,887 total views

 1,887 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,136 total views

 1,136 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top