Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Miyerkules, Pebrero 26, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,846 total views

Miyerkules ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Sirak 4, 12-22
Salmo 118, 165. 168. 171. 172. 174. 175

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Marcos 9, 38-40

Wednesday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA

Sirak 4, 12-22

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Kinakalinga ng Karunungan ang mga humahanap sa kanya;
sila’y kanyang itatampok at padadakilain.
Ang nagmamahal sa kanya’y nagpapahalaga sa buhay;
ang maagang naghihintay sa kanya ay magtatamasa ng kaligayahan.
Ang nagkamit ng Karunungan ay magtatamo ng karangalan,
pagpapalain siya ng panginoon saanman siya pumunta.
Ang naglilingkod sa Karunungan ay naglilingkod sa Panginoon;
iibigin ng Panginoon ang sinumang umiibig sa Karunungan.
Ang tumatalima sa kanya’y humahatol nang wasto;
ang nagpapahalaga sa kanya’y nabubuhay nang matiwasay.
Magtiwala ka sa Karunungan at kakamtan mo siya,
at mananatili siya sa iyong lahi hanggang sa iyong kaapu-apuhan.
Sa pasimula’y isasama ka niya sa mga liku-likong landas,
tatakutin ka niya at pupunuin ng agam-agam.
Pagtitiisin ka niya ng bigat ng kanyang mga tuntunin,
at susubukin ka niya sa pamamagitan ng kanyang mga utos,
hanggang sa ikaw ay matutong magtiwala sa kanya.
Pagkatapos agad-agad ka niyang lalapitan;
ipahahayag niya sa iyo ang kanyang mga lihim,
at paliligayahin ka niya.
Ngunit kapag siya’y iyong tinalikuran,
pababayaan ka niya at mabubulid ka sa kapahamakan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 165. 168. 171. 172. 174. 175

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Ang magmahal sa utos mo’y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Sinusunod ko ang iyong kautusa’t mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo’t namamasdan.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Ako’y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
pagkat ako’y tinuruan ng aral mo at tuntunin.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Dahilan sa kautusan, ako ngayon ay aawit,
sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Nasasabik ako, Poon, sa pangakong pagliligtas,
nadama ko sa utos mo ay ang ligaya at galak.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

Upang ako ay magpuri, ako’y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.

Ang sa utos mo’y magmahal papayapa yaong buhay.

ALELUYA
Juan 14, 6

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 9, 38-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Aming Guro, itinuro mo sa amin na ang buong pagtanggi sa kasamaan ang tunay na kahulugan ng pagiging alagad. Nananalangin kami kalakip ang aming intensyong magsakripisyo sa aming pagsunod sa Panginoon.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Guro, ilapit Mo kami sa Iyo.

Ang ating Simbahan nawa’y tunay na maipahayag ang Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y bigyan ng Diyos ng biyaya ng kapatawaran, pagbabalik-loob, at kagalingan ng mga sakit at hinanakit na dulot ng pagkakahiwa-hiwalay at pag-aaway, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng higit na pagpapahalaga sa kabutihang-loob ng tao bilang daluyan ng espiritu at gawain ng Diyos sa mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga matatanda, mga nalulumbay, mga may kapansanan, at mga maysakit nawa’y mapalakas sa alab ng ating pagkalinga at presensya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga yumaong kaibigan na nauna na sa atin nawa’y makabahagi sa kapayapaan at kaligayahan ng paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, tulungan mo kaming tingnan ang lahat ng tao ayon sa iyong pananaw. Bigyan mo kami ng lawak ng kaisipan at kabutihan saanman ito nagmula. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

THEATRE OF THE ABSURD

 12,533 total views

 12,533 total views “Theater that seeks to represent the absurdity of human existence in a meaningless universe by bizarre or fantastic means”. Kapanalig, ito ang tawag

Read More »

MISALIGNED

 26,593 total views

 26,593 total views Nararapat ang pagsasanay ng mga guro ay naka-aligned sa reyalidad at pangangailangan ng mga modernong silid-paaralan sa bansa. Ngunit, natuklasan sa pag-aaral ng

Read More »

SONA

 45,164 total views

 45,164 total views STATE OF THE NATION ADDRESS (SONA)… Ito ay pag-uulat sa bayan ng pangulo ng Pilipinas taon-taon. Sa SONA, dapat inilalatag o ipinapaalam ng

Read More »

Para saan ang confidential funds?

 70,189 total views

 70,189 total views Mga Kapanalig, inanunsyo kamakailan ng mayor ng Capas, Tarlac na hindi na isasama ng kanyang opisina ang confidential funds sa annual budget ng

Read More »
12345

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Hulyo 29, 2025

 6 total views

 6 total views Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro 1 Juan 4, 7-16 Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9. 10-11. Palagi kong pupurihin

Read More »

Lunes, Hulyo 28, 2025

 854 total views

 854 total views Lunes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Exodo 32, 15-24. 30-34 Salmo 105, 19-20. 21-22. 23 Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y

Read More »

Linggo, Hulyo 27, 2025

 1,658 total views

 1,658 total views Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Genesis 18, 20-32 Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8 Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Read More »

Sabado, Hulyo 26, 2025

 2,373 total views

 2,373 total views Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal ng Birheng Maria Exodo 24, 3-8 Salmo 49, 1-2. 5-6. 14-15 Sa

Read More »

Biyernes, Hulyo 25, 2025

 2,607 total views

 2,607 total views Kapistahan ni Apostol Santiago 2 Corinto 4, 7-15 Salmo 125, 1-2ab, 2kd-3. 4-5. 6 Ang nagtanim na may luha ay aaning natutuwa. Mateo

Read More »
12345

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES