228 total views
Kapistahan ni Apostol San Mateo,
manunulat ng Mabuting Balita
Efeso 4, 1-7. 11-13
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Mateo 9, 9-13
Feast of St. Matthew, Apostle (Red)
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-7. 11-13
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagpakumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa rin ang Espiritu; gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y tagapaghatid ng Mabuting Balita, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang.
Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 9-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo: nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo sa mga publikano at mga makasalanan ang inyong guro? Narinig ito ni Hesus at siya ang sumagot, “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Mateo
Ang buhay ni San Mateo ay binago ng pagtawag at hamon ng Guro. Nawa ang aming mga panalangin ay magpahayag ng pagbabago ng buhay at maging sensitibo kami sa mga pangangailangan ng iba.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng pagpapatawad, maging mapagpala ka sa amin.
Ang mga programa para sa pagpapanibago nawa’y maging tanda ng ating buhay-Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tanggapin ang hamon at tawag sa pagbabalik-loob sa halip na mahikayat sa pang-aakit ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may kinalaman sa mga bagay tungkol sa pananalapi nawa’y hindi matuksong ipagpalit ang kanilang kaluluwa para sa kayamanan at kapangyarihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may kahinaan sa kanilang espiritwal na buhay nawa’y humanap ng tulong sa Sakramento ng Pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, sa pamamagitan ng mga panalangin ni San Mateo, tanggapin mo ang mga kahilingan ng iyong bayan, ang bagong Israel na tinipon ng biyaya ng iyong Muling Nabuhay na Anak, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.