
1,2,3 kanya-kanya na!
527 total reads
Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan?
Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan sa Quezon City sa loob lamang ng limang oras. Halos kalahati ito ng ulang naitala noong Bagyong Ondoy! Marami rin ang lumusong sa pagbaha, na-stranded sa biyahe, at pinasok ng tubig-baha ang bahay. Hindi bababâ sa limandaan ang nasugatan, at mahigit 25 ang nasawi. Dahil din sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, tinatayang 3.5 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at mahigit 1.4 bilyong piso naman sa agrikultura.
Sa ganitong mga pagkakataon, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino kung paano poprotektahan ang kanilang sarili, pamilya, at bahay mula sa baha. Isa na rito ang paggawa ng mga improvised flood barrier, na nag-viral sa social media matapos kumalat ang iba’t ibang paraan ng mga Pilipino sa paggawa nito. Sa Noveleta, Cavite, nag-ambagan ang ilang residente para makagawa ng isang barrier na nakatulong na mapigilan ang pagpasok ng baha sa kanilang eskinita. Sa Mabalacat, Pampanga naman, isang tindahan ang gumamit ng sandbags para harangan ang tubig-baha at maprotektahan ang kanilang puwesto.
Patunay ang mga ito ng pagiging maparaan ng mga Pilipino kapag may kalamidad. Pero ganito na lang ba palagi? Kanya-kanya na lang ba? Bakit kailangang tayo-tayo ang gumagawa ng paraan para protektahan ang ating mga sarili gayong dapat ang pamahalaan ang may pangunahing pananagutan dito?
Kahit gaano nakakabilib ang pagkamaparaan ng mga Pinoy, hindi dapat nauuwi sa kanya-kanyang diskarte ang paghahanda at pagtugon sa pagbaha. Hindi trabaho ng isang ordinaryong mamamayan o komunidad na magdisenyo ng sariling proteksyon laban sa baha para lamang mapanatiling ligtas ang kanilang tahanan. Hindi rin dapat sila ang napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa o gumamit ng mga improvised na kagamitan para lamang harangan ang tubig-baha. Kahit may mga indibidwal o komunidad na nakagawa ng paraan para maprotektahan ang kanilang mga bahay, paano naman ang mga kalsada, paaralan, ospital, palengke, at iba pang pampublikong lugar? Hindi lahat ay may kakayahang gumawa ng sariling flood barrier at gumastos para dito.
Hindi naman dapat problema ng mga mamamayan ang pagbaha kung maayos ang paghahanda, pagpaplano, at pamamalakad ng mga sistema. Walang ibang may kakayahang ayusin ito kundi ang pamahalaan. Kabilang dito ang paglilinis at pagpapanatili ng mga drainage systems pati na ng mga daluyan ng tubig, tamang pamamahala sa mga ilog at waterways, at pagtiyak na hindi nahaharangan ang natural na daloy ng tubig. Kasabay nito, dapat may malinaw na disaster preparedness, maagang babala, maayos na evacuation plans, at sapat na kagamitan at mga kawani para mabilis na makatugon kapag may panganib. Kung meron ang mga ito, hindi sana naipapasa ang responsabilidad sa mga mamamayan at wala sanang flood barriers na kailangang ilagay.
Labis na kinokondena sa Jeremias 23:1-4 ang mga pinunong hindi inaalagaan ang mga taong ipinagkatiwala sa kanilang pamamahala. Sa halip na gabayan ang kanilang nasasakupan, pinababayaan nilang magkanya-kanyang diskarte ang mga tao at inilalagay nila sila sa panganib. Ganito rin ang binibigyang-diin sa Fratelli Tutti. Hindi sapat na sabihing kaya naman ng bawat isa na dumiskarte para sa sarili. Dapat may mga institusyong aktibo at tunay na kumikilos pa rin para sa kapakanan ng mga tao at ng kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, ang proteksyon laban sa baha ay hindi dapat maging pribilehiyo ng mga may pera, kagamitan, o kakayahang gumawa ng sariling paraan. Hindi dapat kanya-kanya ang kaligtasan. Ito ay pananagutan ng gobyerno sa mga mamamayan. Pananagutan nilang tiyaking may maayos na paghahanda at may mga serbisyong makikinabang ang buong komunidad, lalo ang mga higit na nangangailangan.
Sumainyo ang katotohanan.







