1,834 total views
Ika-17 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Genesis 49, 2. 8-10
Salmo 71, 2. 3-4ab. 7-8, 17
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Mateo 1, 1-17
17th of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 49, 2. 8-10
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, tinawag ni Jacob ang mga anak niya at kanyang sinabi:
“Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
Ikaw, Juda, ay papupurihan
niyong mga anak ng Ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo’y gagalang.
Mabangis na leon, ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda’y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
Hawak niya’y setrong tuon sa paanan,
sagisag ng lakas at kapangyarihan;
ito’y tataglayin hanggang sa dumatal
ang tunay na Haring dito’y magtatangan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 3-4ab. 7-8, 17
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Ang lupain nawa niya’y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap
at ang mga taong wala’y pag-ukulan ng paglingap.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitong araw;
nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Karunungan ng Maykapal,
tana’y ‘yong pangasiwaan,
halina’t kami’y turuan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-17
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Samaktwid, labing-apat ang salin-lahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI ?– Ikalawang Araw
Pinasisigla ng katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako, pakumbaba nating idulog sa Kanya ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan ng Simbahan at ng sangkatauhan. Tumugon tayong:
Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa Iyo!
Para sa Simbahang Katolika at lahat ng Kristiyano: Nawa sa bisa ng Ebanghelyo, magkalapit-lapit ang lahat ng nananampalataya kay Kristo. Manalangin tayo!
Para sa mga inaalipin ng demonyo sa kanilang buhay na makasalanan: Nawa patnubayan sila ng Diyos upang magsimulang mamuhay nang tapat sa Ebang- helyo. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga nabiktima ng kawalan ng katarungan: Nawa ikintal ng diwa nitong Simbang Gabi sa kanilang mga puso ang pagpapatawad at kapayapaan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng Pilipinong mag-anak, lalo na iyong mga biktima ng paghihiwalay at kahirapan sa buhay: Nawa makatagpo sila sa kanilang Kristiyanong pananampalataya ng kailangan nilang lakas upang makaraos sa kanilang mga paghihirap. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat na naririto at sa ating mga ipinagdarasal: Nawa liwanagan ng ilaw ng Diyos ang ating mga puso at gamitin tayong kasangkapan ng Kanyang pagmamahal. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, Ikaw ang laging tapat at bukal ng lahat ng biyaya. Palakasin Mo kami upang matupad ang mga pangako sa aming binyag, lalo na ngayon sa aming Simbang Gabi. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen!