2,183 total views
Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Roma 1, 1-7
Mateo 1, 18-24
Fourth Sunday of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14
Pabasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang D’yos na Panginoon, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 1, 1-7
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 1, 23
Aleluya! Aleluya!
Maglilihi ang dalaga
lalaking isisilang n’ya’y
Emmanuel na Poong sinta.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Tuwina tayong inaanyayahan ng Panginoong maging katambal Niya sa pagtupad ng Kanyang plano. Dahil sa ating mga kahinaan, ipanalangin natin ang Kanyang tulong sa atin at sa mga mahal natin. Tugon nati’y:
Panginoon, masunod nawa ang Iyong kalooban!
Nawa ang Simbahan ay lubos na manalig sa Diyos, lalo na sa harap ng pagsubok, at maging laging tapat sa Kanya. Manalangin tayo!
Nawa lahat ng nanunungkulan sa Simbahan ay makapagbigay ng magandang halimbawa ng pakikipagtulungan sa pagtupad ng plano ng Diyos. Manalangin tayo!
Nawa ang mga nagdurusa ay makatagpo sa pakikiisa ng kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan ng kailangan nilang lakas para sa pag-ayon sa plano ng Diyos para sa kanila. Manalangin tayo!
Nawa ang mga namamahala sa ating lipunan ay makapagbalak ng mga gawaing ganap na alinsunod sa mga utos at plano ng Diyos. Manalangin tayo!
Nawa ang ating kabataan ay makapagplano para sa kanilang kinabukasan alinsunod sa kalooban ng Diyos at sa tulong ng dasal at payo ng mga nakatatandang guro at gabay. Manalangin tayo!
Nawa lahat tayong nagsisimbang gabi ay magtotoo sa ating pangakong makipagtulungan sa pagtupad sa plano ng Diyos. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, biyayaan Mo kaming tumulad sa halimbawa ni Hesus na masunurin Mong Anak, at gawin Mong tapat na kasangkapan ng Iyong plano ang aming buhay. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!