2,126 total views
Ika-24 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Lucas 1, 67-79
24th of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay. Sa tulong ng Panginoon, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.” Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat ang Panginoon ay sumasaiyo.”
Ngunit nang gabing iyo’y sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon: wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian.’
“Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!
Laging maghahari ang isa n’yang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Sinag ng bukang-liwayway
at araw ng kaligtasan
halina’t kami’y tanglawan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 67-79
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, napuspos ng Espiritu Santo si Zacarias na ama ni Juan at nagpahayag ng ganito:
“Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan,
At nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una,
na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Iyan ang sumpang binitawan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Ikaw naman, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daraanan,
at ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos;
magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan
upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI – Ikasiyam na Araw
Habang malapit na nating ipagdiwang ang kaarawan ng Panginoon, buksan natin ang ating mga puso sa pasasalamat sa ganitong dakilang biyaya at sama-sama tayong manalanging:
Halina, Panginoong Hesus!
Halina, Panginoon, at puspusin mo ng iyong pagpapala ang buong Simbahan, ang Santo Papa, at lahat ng mga relihiyosong pinuno namin. Manalangin tayo!
Halina, Panginoon, at gabayan mo ang mga pinuno namin sa pulitika at kultura upang maakay nila ang aming bayan tungo sa tapat na pakikipagtulungan at pagkakaisa. Manalangin tayo!
Halina, Panginoon, at ipagkaloob mo ang iyong kapayapaan sa mga bansang may digmaan, sa mga klase at pangkat na pinag- watak-watak ng kanilang mga hidwaan, sa mga mag-anak na nagkakalayo dahil sa selos, inggit, at kawalan ng katapatan. Manalangin tayo!
Halina, Panginoon, sa aming bayan at paginhawahin mo ang lahat ng naghihirap, napapabayaan, hinahamak, o kinukutya. Manalangin tayo!
Halina, Panginoon, sa aming pamayanan sa parokya at tulungan mo kaming mabuhay sa nalalapit na Pasko nang may kaloobang tulad ng kina Mariang Kabanal-banalan at San Jose. Manalangin tayo!
Halina, Panginoon, sa aming mga mag-anak at sa bawat isa sa amin, at ipagkaloob mo ang iyong pagpapatawad, kagalakan, at kapa- yapaan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Halina, Panginoong Hesus, kailangan ka namin. Ikaw ang tangi naming pag-asa. Ikaw ang tangi naming Tagapagligtas. Ikaw ang aming lahat. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.
Amen!
___________________________________________________________________
Dakilang Kaspistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Bisperas)
Isaias 62, 1-5
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25
Mateo 1, 1-25
o kaya Mateo 1, 18-25
Vigil of the Nativity of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 62, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tutugon hangga’t hindi siya naililigtas,
hangga’t ang tagumpay niya
ay hindi nagliliwanag
na tulad ng sulo sa gabi.
Ang lahat ng bansa’y
pawang makikita ang iyong tagumpay,
at mamamalas ng lahat ng hari ang iyong kadakilaan.
Ika’y tatawagi’t
bibigyan ng Panginoon ng bagong pangalan.
Ikaw ay magiging magandang korona
sa kamay ng Diyos,
korona ng Panginoong nakalulugod.
Hindi ka na tatawaging “Itinakwil,”
Ni ang lungsod mo’y hindi rin tatawaging
“Asawang Pinabayaan.”
Ang itatawag na sa iyo’y “Kinalugdan ng Diyos,”
At ang lupain mo’y tatawaging “Maligayang Asawa,”
pagkat ang Diyos ay nalugod sa iyo,
at sa lupain mo,
siya ay magiging tulad ng asawa.
At ikaw Israel
ay ituturing niyang kasintahan,
ang manlilikha mo’y pakakasal sa iyo,
kung gaano kaligaya ang kasintahang lalaki
sa araw ng kanyang kasal,
gayun magagalak sa iyo ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Panginoon, ika’y may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, tumayo siya sa sinagoga at sinenyasan silang tumahimik.
“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. At nang alisin ng Diyos si Saulo, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.’”
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Bukas ninyo makikita
maghahari’y Poong sinta,
patatawarin ang sala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-25
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Samaktwid, labing-apat ang salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan nga niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 1, 18-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 25
Puno ng kagalakan ang ating mga puso habang ginugunita natin ang Pagsilang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. Taglay ang mga pusong nagpapasalamat, manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na nagsugo ng kanyang Anak upang tayo ay iligtas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagpalain mo kami ng iyong presensya.
Sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo sa Pagkakatawang-tao ng Diyos, nawa’y maranasan ng lahat ng tao sa mundo ang presensya ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kapayapaan nawa’y maghari sa lahat ng mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga di-Kristiyano nawa’y mahikayat na kilalanin si Jesus, ang Diyos na Nagkatawang-tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-anak nawa’y mamuhay sa pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, at maayos na pagsasamahan sa Paskong ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha nawa’y makatagpo ng pag-asa at kagalakan sa pagdating ng Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, pinupuri ka namin dahil sa pagsusugo mo ng iyong Anak upang maging aming Tagapagligtas. Siya nawa ang aming maging liwanag, kagalakan, at kapayapaan sa buhay na ito hanggang sa walang hanggan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.