2,182 total views
Sabado na Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Tobit 12, 1. 5-15. 20
Tobit 13, 2. 6. 7. 8
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Marcos 12, 38-44
Saturday of the Ninth Week in Ordinary Time (Red)
UNANG PAGBASA
Tobit 12, 1. 5-15. 20
Pagbasa mula sa aklat ni Tobit
Noong mga araw na iyon, tinawag ni Tobit ang kanyang anak na si Tobias at sinabi, “Anak, huwag kalilimutang bayaran ang kasama mo. At dagdagan mo!” Matapos ang kanilang pag-uusap tinawag ni Tobias si Rafael, at sinabi rito, “Dalhin mo ang kalahati ng kayamanang dala natin at humayo kang payapa.”
Tinawag ni Rafael ang mag-amang Tobit at Tobias at sila’y nag-usap. Sinabi niya, “Salamat sa Diyos! Siya ang purihin nati’t dakilain. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao ang kanyang ginawa sa inyo. Umawit kayo ng pagpupuri at pasasalamat. Ihayag ninyo’t parangalan ang kanyang mga gawa at huwag kayong manghihinawa sa paggawa nito. Ang mga bagay na inililihim ng hari’y di dapat ibunyag, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ipahayag upang siya’y parangalan at purihin. Gawin ninyo ang mabuti at di kayo madadaig ng masama. Mas mainam ang manalangin at magbigay-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mahirap kaysa magpayaman at mandaya. Mabuti ang magkawanggawa kaysa mag-impok ng ginto. Ang gumagawa nito ay naliligtas sa kamatayan at dinadalisay sa bawat kasalanan. Hahaba ang buhay niya, ngunit ang nagugumon sa pagkakasala ay kaaway ng sarili niya.
“Kailangang malaman na ninyo ang katotohanan; wala akong ililihim sa inyo. Natatandaan ninyong sinabi ko na maaaring magtago ng kanyang lihim ang hari, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ngang ipahayag. Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayun din ang ginagawa ko tuwing may inililibing ka. Alam kong kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay. Bumaba ako rito para samahan ka. Ako rin ang sinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara. Ako si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya.
“Tumayo kayo at magpuri sa Diyos, sapagkat ako’y aakyat na sa kanya. Ang lahat ng nangyari sa inyo ay inyong isulat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Tobit 13, 2. 6. 7. 8
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
D’yos ay nagpaparusa na taglay ang habag
kung tayo ma’y malibing, sa hukay masadlak,
muling hinahango niya’t binubuhay.
Walang makatatakas sa kanyang kapangyarihan.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Kaya ngayo’y alalahanin ninyo
ang ginawa ng Diyos at buong puso ninyong pasalamatan siya.
Purihin ang Panginoon, Diyos ng katarungan,
parangalan ang Haring walang hanggan.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Maging sa bansang pinagtapunan sa akin,
pupurihin ko ang Panginoon.
Maging sa bansang makasalana’y dadakilain ko siya.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Talikdan na ninyo ang inyong mga kasalanan
at mamuhay kayo nang karapat-dapat sa harapan niya.
Kung magkagayon, ang habag ng Panginoon ay inyong madarama.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Mayroon tayong iisang Ama sa lahat, at iisang Guro, ang kanyang bugtong na Anak. Dumulog tayo sa ating Ama para sa lahat ng kanyang mga anak sa mundo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, pakinggan mo ang aming panalangin.
Ang mga tumatanggap ng sakramento ng orden para sa banal na paglilingkod nawa’y maging tapat at totoo sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos at sa Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y maibigay ang mabuti at magaling na serbisyo sa tao at hindi unahin at paglingkuran ang kanilang sariling kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kababaang-loob ni Kristo nawa’y pumigil at magpasuko sa kapalaluan at pagkukunwari ng mga taong may matayog na pagtingin sa sarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y tumanggap ng banal na pagbubunyag bilang mensahe ng Diyos sa bisa ng kanyang kapangyarihan at hindi ayon sa kaisipan lamang ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapayapaan sa Muling Nabuhay na Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos at Ama ng lahat ng sangkatauhan, itinataas namin sa iyo ang mga panalangin ng mga sumasampalataya sa iyo, gayundin ang mga hindi pa nakaririnig ng iyong banal na ngalan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.