Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

SABADO, HUNYO 24, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,666 total views

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Pagmimisa sa Bisperas

Jeremias 1, 4-10
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Sapul pa sa pagkasilang
ikaw na ang inasahan.

1 Pedro 1, 8-12
Lucas 1, 5-17

Vigil of the Nativity of St. John the Baptist (White)

UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 4-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Noong mga araw ni Josias, sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinili na kita bago ka ipaglihi upang maging propeta sa lahat ng bansa.”

Sinabi ko naman, “Panginoon, hindi po ako marunong magsalita; bata pa po ako.”

Subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka. Sinusugo kita kaya’t humayo ka. Ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo. Huwag mo silang katatakutan pagkat ako’y sasaiyo at iingatan kita. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, iniunat ng Panginoon ang kanyang bisig, hinipo ang mga labi ko, at sinabi, “Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin. Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihan sa mga bansa’t mga kaharian, sila’y bunutin at ibagsak, lipulin at iwasak, ibangon at itatag.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Sapul pa sa pagkasilang
ikaw na ang inasahan.

Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.

Sapul pa sa pagkasilang
ikaw na ang inasahan.

Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.

Sapul pa sa pagkasilang
ikaw na ang inasahan.

Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.

Sapul pa sa pagkasilang
ikaw na ang inasahan.

Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
Sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 1, 8-12

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, hindi ninyo nakita si Hesukristo, ngunit siya’y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita magpahanggang ngayon, ngunit nananalig na kayo sa kanya. Dahil dito’y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita. Sapagkat inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya – ang inyong kaligtasan.

Tungkol sa kaligtasang ito, masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang humula sa kaloob na itong nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Kristo na sumasakanila nang paunang ipahayag sa kanila ang hirap na titiisin ni Kristo at ang parangal na tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila’y sa kapakinabangan ninyo – at hindi sa kanila. Ang mga katotohanang ito’y narinig ninyo ngayon sa mga tagapangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Nagsalita sila sa inyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santong sinugo sa kanila buhat sa langit. Ang mga katotohanang ito’y pinananabikang maunawaan maging ng mga anghel sa langit.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 1, 7; Lucas 1, 17

Aleluya! Aleluya!
Naparito si San Juan,
saksi kay Hesus na Ilaw,
upang ihanda ang bayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 5-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang si Herodes ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang ngala’y Zacarias, sa pangkat ni Abias. At mula rin sa lipi ni Aaron ang kanyang asawang si Elisabet. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon. Wala silang anak sapagkat baog si Elisabet, at sila’y matanda na.

Ang pangkat ni Zacariaas ang nanunungkulan noon, at siya’y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila’y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng mga saserdote, siya ang nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya’t pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin. Walang anu-ano’y napakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng dambanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayun, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

PANALANGIN NG BAYAN
Pagsilang ni San Juan Bautista
Hunyo 24

Sa unang saglit pa lamang ng kanyang buhay, tinawag na si Juan Bautista upang ipahayag ang pagdating ng liwanag sa mga bansa, ang pag-asa ng mundo. Sa kagalakan ng pagdiriwang ito, manalangin tayo sa Diyos.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
O Diyos, maging mapagpala ka sa amin.

Ang Simbahan nawa’y palakasin ng Banal na Espiritu sa pagpapahayag ng mensahe ng kaligtasan hanggang sa dulo ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y maging kasangkapan ng katotohanan at katarungan at akayin ang kanilang mamamayan sa daan ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y makarating kung saan tayo inaakay ng ating pananampalataya patungo sa kaligtasan ng ating kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at nagdurusa nawa’y magkaroon ng bagong pag-asa sa pangako ng kaluwalhatian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kasalanan ng mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y alisin ng Kordero, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng panahon at kawalang hanggan, hinahanap mo at sinasaliksik ang aming mga pangangailangan bago pa man kami humingi sa iyo. Sa tulong ni San Juan Bautista, kahabagan mo kami at dinggin ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

 


 

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

Isaias 49, 1-6
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Mga Gawa 13, 22-26
Lucas 1, 57-66. 80

Solemnity of the Nativity of Saint John the Baptist (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 22-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.”

“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 1, 76

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Juan, ay propeta,
sinugo upang manguna
sa Manunubos ng sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66. 80

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Pagsilang ni San Juan Bautista
Hunyo 24

Sa unang saglit pa lamang ng kanyang buhay, tinawag na si Juan Bautista upang ipahayag ang pagdating ng liwanag sa mga bansa, ang pag-asa ng mundo. Sa kagalakan ng pagdiriwang ito, manalangin tayo sa Diyos.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
O Diyos, maging mapagpala ka sa amin.

Ang Simbahan nawa’y palakasin ng Banal na Espiritu sa pagpapahayag ng mensahe ng kaligtasan hanggang sa dulo ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y maging kasangkapan ng katotohanan at katarungan at akayin ang kanilang mamamayan sa daan ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y makarating kung saan tayo inaakay ng ating pananampalataya patungo sa kaligtasan ng ating kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at nagdurusa nawa’y magkaroon ng bagong pag-asa sa pangako ng kaluwalhatian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kasalanan ng mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y alisin ng Kordero, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng panahon at kawalang hanggan, hinahanap mo at sinasaliksik ang aming mga pangangailangan bago pa man kami humingi sa iyo. Sa tulong ni San Juan Bautista, kahabagan mo kami at dinggin ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Wala ba talagang due process?

 128,406 total views

 128,406 total views Mga Kapanalig, balik-kulungan si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pansamantalang pagkulong kay dating Senador Revilla kaugnay ng kasong

Read More »

Mas maliwanag na bukas?

 172,946 total views

 172,946 total views Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ng pamahalaan ang makasaysayang pagtuklas ng natural gas sa Malampaya East-1 (o MAE-1) reservoir sa karagatan ng Palawan. Ang MAE-1

Read More »

Seryosohin ang pagpapanagot

 204,340 total views

 204,340 total views Mga Kapanalig, nai-file na sa House of Representatives ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. mula nang umupo siya sa

Read More »

Trahedya sa basura

 220,161 total views

 220,161 total views Mga Kapanalig, isang trahedya ang pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City ngayong Zero Waste Month pa naman. Noong ika-8 ng Enero, gumuho

Read More »

Tunay na kaunlaran

 241,937 total views

 241,937 total views Mga Kapanalig, ilang barikada pa kaya ang itatayo ng mga residente ng bayan ng Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya upang protektahan ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Pebrero 2, 2026

 131 total views

 131 total views Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo Malakias 3, 1-4 Salmo 23, 7. 8. 9. 10. D’yos na makapangyariha’y dakilang hari

Read More »

Linggo, Pebrero 1, 2026

 131 total views

 131 total views Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Sofonias 2, 3; 3, 12-13 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Mga aba ay mapalad, D’yos ang

Read More »

Martes, Setyembre 30, 2025

 87,941 total views

 87,941 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 88,150 total views

 88,150 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 88,731 total views

 88,731 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top