LINGGO, HUNYO 25, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,903 total views

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Jeremias 20, 10-13
Salmo 68, 8-10. 14 at 17. 33-35

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Roma 5, 12-15
Mateo 10, 26-33

Twelfth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 10-13

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan.
Tinagurian nila akong “Kilabot saanman.”
Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!”
Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan.
Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.”
Subalit ikaw’y nasa panig ko, Poon, malakas ka’t makapangyarihan;
madarapa ang lahat ng umuusig sa akin,
hindi sila magtatagumpay kailanman.
Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi.
Mapapahiya sila habang panahon,
at ito’y hindi na makakalimutan.
Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao,
Poon, Diyos na Makapangyarihan,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip.
Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
Awitan ninyo ang Panginoon, inyong purihin ang Poon
sapagkat inililigtas niya ang mga api
mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 8-10. 14 at 17. 33-35

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Poon, sa buti mo’t pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana’y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata’t naroong nilikha!

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 5, 12-15

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala’y di tulad ng pagsuway ni Adan.

Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si Hesukristo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 15, 26b. 27a

Aleluya! Aleluya!
Kayo at ang Espiritu
ang s’yang magpapatotoo
tungkol sa aral ni Kristo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 26-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Gaya ng propetang si Jeremias at ng mga apostol, tayo man ay nakararanas ng hirap sa pagiging tapat sa Panginoon. Buong pananalig tayong dumulog sa kanya para tayo tulungan habang nananalanging:

Panginoon, tulungan mo kaming manalig sa iyo!

Para sa buong Simbahan, ang pamayanan ng mga disipulo ni Kristo: Nawa maging tapat siya sa pagsunod sa kanyang Panginoon sa kabila ng lahat ng pagtutol at pagbatikos. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at mga Pinuno ng Simbahan sa lahat ng antas: Nawa lagi silang manalig sa Panginoon at buo ang loob na magbigay-saksi sa kanya sa kanilang buhay. Manalangin tayo!

Para sa mga pari at relihiyosong nahaharap sa mga krisis: Nawa makatagpo sila sa halimbawa ni Hesus ng lakas para magpunyagi sa kanilang bokasyon. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng tinatawagang sumunod kay Hesus nang lalong tapat: Nawa bukas-palad silang tumugon sa kanyang panawagan at magpunyagi sa mabuting gawa. Manalangin tayo!

Para sa ating sarili at lahat ng mahal natin: Nawa pagpalain tayo sa ating mga pagsisikap at iligtas tayo sa lahat ng sama. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ipagkaloob mo sa amin ang biyayang maka- panaig sa mga pag-aalinlangan at pahalagahan kang higit sa anuman dito sa lupa. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Lights! Camera! Action?

 90,784 total views

 90,784 total views Mga Kapanalig, napunô ng comedy, drama, action, at suspense ang Senado noong isang linggo. Tila eksena sa game show ang pagtakbo ni Senador

Read More »

Ang fourth estate

 215,195 total views

 215,195 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 256,268 total views

 256,268 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 331,393 total views

 331,393 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 20, 2026

 6,119 total views

 6,119 total views Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari Mga Gawa 20, 28-38 Salmo 67, 29-30.

Read More »

Martes, Mayo 19, 2026

 6,119 total views

 6,119 total views Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 20, 17-27 Salmo 67, 10-11. 20-21 Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay

Read More »

Lunes, Mayo 18, 2026

 6,119 total views

 6,119 total views Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Juan I, papa at martir Mga Gawa 19, 1-8 Salmo 67,

Read More »

Linggo, Mayo 17, 2026

 3,572 total views

 3,572 total views Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (A) Mga Gawa 1, 1-11 Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9 Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog. Efeso 1,

Read More »

Sabado, Mayo 16, 2026

 3,572 total views

 3,572 total views Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 18, 23-28 Salmo 46, 2-3. 8-9. 10 Hari ng sangkalupaan D’yos na

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top