2,116 total views
Sabado ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Pahayag 11, 4-12
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Lucas 20, 27-40
Saturday of the Thirty-third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Pahayag 11, 4-12
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Sinabi sa akin, “Juan: Narito ang dalawa kong saksi. Ito’y ang dalawang punong olibo at dalawang ilawan sa harapan ng Panginoon ng lupa. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, lalabas sa bibig nila ang apoy na tutupok sa kanilang mga kaaway. May kapangyarihan silang ipinid ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng salita ng Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing maibigan nila.
Pagkatapos nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa bangin at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang mahiwagang pangalan ay Sodoma o Egipto. Dito rin ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlong araw at kalahati, ang kanilang mga bangkay ay panonoorin ng mga tao mula sa iba’t ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga bangkay. Magagalak ang lahat ng tao sa sanlibutan dahil sa pagkamatay ng dalawang ito. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo, sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot ng labis na kahirapan sa kanila. Pagkalipas ng tatlong araw at kalahati, ibinalik ng Diyos ang kanilang buhay, at sila’y tumindig. Nasindak nang gayun na lamang ang mga nakakita. Pagkatapos ay narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na ang wika: ‘Umakyat kayo rito!’ At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, napasalangit sila sa isang ulap.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
nilulupig niya ang sakop kong bayan.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa’y tutugtugin at aawit ako.
Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 20, 27-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo’y hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila, “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayun din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang napangasawa niya silang lahat?”
Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Napakamaluwalhati ng kapayapaan at pag-asa sa Muling Pagkabuhay! Manalangin tayo nang may pusong malaya mula sa hangal na pag-aalinlangan at pagdududa sapagkat nananalig tayo sa pangako ni Jesus na Muling Nabuhay para sa atin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y magpatuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay at ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, nawa’y maihatid natin ang liwanag ng bagong pag-asa sa mga nabubuhay sa kadiliman at kawalang pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha, mga walang tahanan, at mga nangangailangan nawa’y madama ang Panginoon ng Buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at kagandahang-loob ng mga mabubuti sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, at yaong mga nagdurusa nawa’y matagpuan ang mapagpagaling na presensya ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kaligayahan sa tiyak na pag-asa ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ng mga buhay, bigyan nawa kami ng Eukaristiyang ito ng paghangad sa walang hanggang Hapag, na iyong inihanda sa aming kung saan malulugod kami sa kaligayahan ng iyong presensya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.