2,893 total views
Sabado ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Hebreo 11, 1-7
Salmo 144, 2-3. 4-5. 10-11
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Marcos 9, 2-13
Saturday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-7
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga taong noong unang panahon dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng salita niya, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita.
Dahil sa pananalig sa Diyos, si Abel ay naghandog ng mas mabuting hain kaysa inihandog ni Cain. Dahil doon, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Bagamat patay na, siya’y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananalig sa Diyos.
Dahil sa pananalig sa Diyos, hindi namatay si Enoc, kundi inilipat sa kabilang buhay. “Hindi na siya nakita sapagkat inilipat na nga siya ng Diyos.” Sinasabi sa Kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod sa Diyos bago inilipat. At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari na hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang daong upang siya at ang kanyang sambahayan ay maligtas. Sa pamamagitan nito’y hinatulan niya ang sanlibutan, at siya’y ibinilang na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananalig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 4-5. 10-11
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Pupurihin ko’t pasasalamatan ang Diyos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila’y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
ALELUYA
Marcos 9, 6
Aleluya! Aleluya!
Nagsalita ang D’yos Ama:
“Ang Anak kong sinisinta
ay narito, dinggin n’yo s’ya!”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Hesus, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Tumugon siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Kung gayo’y bakit sinasabi ng Kasulatan na ang Anak ng Tao’y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang gusto nila, ayon sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Nagbagong-anyo ang ating Tagapagligtas sa harap nina Pedro, Jaime, at Juan sa itaas ng bundok, at nakita nila ang kaluwalhatian ng Diyos. Halina at ating hilingin sa Diyos na pakinggan ang ating panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, punuin Mo kami ng Iyong kaluwalhatian.
Ang mga pinuno ng ating Simbahan sa pamamagitan ng kanilang pagpapaliwanag at paggabay, nawa’y akayin tao sa kaluwalhatian ng makalangit na tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y gawing laging mulat sa tuwinang presensya at luwalhati ng Diyos sa pagbabagong-anyo ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y asamin ang makapiling ang Diyos, kasama si Maria at lahat ng banal sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa ng pagkakasakit nawa’y ang nagbagong-anyong si Kristo ang maging kanilang tanda ng kalakasan ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y masiyahan sa banal na pagkakita sa banal na kaluwalhatian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, palalimin mo ang aming mga pananampalataya habang naglalakbay kami sa mahirap na sandali ng aming buhay. Tulungan mo kaming makilala ang iyong presensya sa mga taong nakakasalamuha namin, at makita na ang iyong kamay ang gumagalaw sa bawat sandali. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.