161,437 total views
Sa kasalukuyan, ang mga gig workers o manggagawa sa gig economy sa Pilipinas ay patuloy na dumarami. Ang mga gig workers ay mga irregular na empleyado at nagtatrabaho sa pamamagitan ng mga platforms tulad ng food delivery services, ride-hailing apps, online freelancing, at iba pa.
Ang laki ng kanilang kontribusyon sa ekonomiya, pero marami sa kanila ay hindi sapat ang proteksyon. Ang mga karaniwang benepisyo na natatanggap ng mga regular na manggagawa ay hindi natatanggap ng mga gig workers. Napakahalaga, kapanalig, na mabigyan ng atensyon ito dahil marami na ang apektado nito.
Ang mga benepisyo gaya ng social security benefits tulad ng health insurance, sick leaves, at retirement benefits ay dapat makuha rin ng ating gig workers. Ang mga benepisyong ito ay makakatulong sa kanila na mapanatili ang kanilang kalusugan at kabuhayan kahit hindi sila regular na empleyado.
Mahalaga rin ang pagtutok sa seguridad at kaligtasan ng mga gig workers habang sila ay nagtatrabaho. Dapat mayroong mga patakaran at regulasyon na naglalayong mapanatili ang kanilang kaligtasan sa kanilang trabaho. Kasama rito ang pagbibigay ng safety training at equipment sa kanila upang maiwasan ang aksidente at pinsala. Tandaan natin kapanalig, marami sa ating mga gig workers ay mga riders – mga nagmomotorsiklo sa araw at gabi, at laging malapit sa panganib.
Mahalaga rin, kapanalig, ang pagtutok sa mga isyu ng kontrata at sahod ng mga gig worker. Dapat siguruhin na ang kanilang mga kontrata ay patas at hindi nagsasamantala sa kanilang kalagayan. Dapat din na ang kanilang sahod ay sapat at nakabatay sa kanilang trabaho at oras ng pagtatrabaho. Napakaliit ng sweldo ng karamihan sa kanila, at ang halaga nito ay karaniwang nakatali sa quota. Kapag hindi maabot ang quota, laging bitin ang sweldo, kahit pa patang pata ang katawan at isip sa kakayod kada araw.
Ang pagbabantay sa kalagayan ng mga gig workers ay pagbabantay sa kapakanan ng napakarami nating mga kababayan – mga manggagawa na siyang pundasyon at gulugud ng ating lipunan. Ang pagtugon sa mga isyu nila ay magbibigay ng mas maayos at makataong kondisyon sa mga manggagawa sa gig economy. Hindi lamang sila ang makikinabang dito, kundi tayong lahat na tumatangkilik at nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Dinggin natin ang paalala mula sa Rerum Novarum: Ang kontribusyon ng uring manggagawa ay napakahalaga. Sa katunayan, masasabi natin na dahil sa kanilang pagkayod yumayaman ang Estado. Justice demands, kapanalig, na ingatan natin ang kanilang interes upang makabahagi naman sila sa mga benepisyong kanilang nalilikha.
Sumainyo ang Katotohanan.