28,517 total views
Tinanggap na ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Santa Ana, Maynila ang paghingi ng paumanhin at paglilinaw na inilabas ng Manila Public Information Office (MPIO) kaugnay ng usaping hinggil sa heritage site ng Simbahan.
Sa opisyal na pahayag ng Dambana, sinabi nitong malugod na tinatanggap ng Simbahan ang paghingi ng paumanhin ng tanggapan ng pampublikong impormasyon ng Lungsod ng Maynila, subalit hinikayat ang tanggapan na maging higit na maingat sa mga susunod nitong pahayag upang hindi magdulot ng kalituhan sa publiko.
Ayon sa dambana may pananagutan ang nasabing tanggapan sa mga mamamayan ng Maynila bilang kumakatawan sa Alkalde kaya naman mahalagang maging makatotoohan ang mga isinasapubliko nitong impormasyon.
“We welcome the apology and clarification issued by the Manila Public Information Office. To move forward, we urge the Manila Public Information Office to exercise greater care in its future communications. The office is accountable to the people of Manila and represents the Mayor, making accuracy paramount.” Bahagi ng pahayag ng pamunuan ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Santa Ana, Maynila.
Nilinaw din ng dambana na bagamat hindi bahagi ng church complex ang Plaza Calderon na planong isaayos ng lokal na pamahalaan ay suportado naman ito ng Simbahan bilang pagpapaunlad sa nasabing lugar at bilang bahagi ng mas malawak na hakbang sa pagpapanatili ng makasaysayang katangian ng lugar ng Santa Ana.
“While Plaza Calderon is not part of the church complex, we look forward to its future development. This will enhance the historicity of the Santa Ana district, especially since the area was declared a Histo-Cultural Heritage Overlay Zone by the City Government of Manila in 2011.” Dagdag pa ng pamunuan ng dambana.
Sa kabila naman ng suporta ng dambana sa mga plano ng Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso para sa lungsod ng Maynila ay muling nanawagan ang pamunuan ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned na pangalagaan ang mga pamanang kultural sa Santa Ana, kabilang na ang pagtugon sa usaping inihain ng mga parishioners at pamunuan ng Simbahan hinggil sa isyu ng Suntrust Ascentia sa lugar.
“Furthermore, we support the Mayor’s commitment to heritage preservation in Santa Ana and look forward to the resolution of the concerns raised by the parishioners and church administration regarding the Suntrust Ascentia issue,” Ayon pa sa dambana.
Samantala muli namang nanawagan ang pamunuan ng dambana sa publiko na maging taga-pangalaga ng pamana at samantalahin ang pagkakataon upang patatagin pa ang sama-samang paninindigan para sa pangangalaga ng kasaysayan at pananampalataya ng komunidad ng Santa Ana.
“Let this be a humbling moment for us all to renew our commitment to preserve and conserve our heritage, particularly our church which stood for more than 300 years,” pagtatapos ng pahayag.
Ang National Shrine of Our Lady of the Abandoned ay isa sa pinakamatandang Simbahan sa Maynila na nagsilbing saksi sa mahigit tatlong siglong kasaysayan ng pananampalataya ng mga taga-Santa Ana at ng buong lungsod ng Maynila.




