339 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo, nagpalabas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP sa pamumuno ni Arsobispo Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, ng isang pahayag tungkol sa money laundering at sa pagsusugal, partikular na sa lumalaking industriya ng casino sa bansa. Ito ay bilang reaksyon sa 81 million-dollar money laundering controversy na kinasangkutan ng isang kilalang bangko at ilang mga negosyanteng nagpapatakbo ng malalaking pasugalan sa ating bansa. Patuloy ang pagdinig ng Senado tungkol dito.
Kung mayroon mang positibong kinahinatnan ang kontrobersiya, ito ay ang nakita natin ang mga butas sa batas patungkol sa money laundering at sa kalakaran ng mga bangko. Kabilang sa mga napansing butas ay ang pagiging exempted ng mga casino na masilip ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang mga transaksyon ng mga nito. Ipinaliwanag ng Executive Director ng AMLC na si Vicente Aquino sa pagdinig sa Senado na maituturing na laundering ang pagbili ng chips sa mga casino kung muling ipapalit ang mga ito ng cash o salapi nang hindi nagamit sa paglalaro. Kaya’t iminungkahi ng AMLC na masakop sa batas ang mga transaksyon sa loob ng mga casino. Kailangang maisaayos ng Kongreso ang mga mga butas sa batas para hindi na maabuso pa.
Pagbabago rin ang ipinapahayag sa dokumento ng CBCP na pinamagatang “Money Laundering in the Gambling Republic”. Kinukondena sa pahayag ang industriya ng “government-sanctioned gambling” sa ating bansa na, gaya ng natuklasan natin, maaring maging instrumento sa money laundering. At habang maaaring makalusot sa mga batas laban sa money laundering, patuloy lamang itong gagamitin ng mga mapagsamantala. Kaya nga matinding tinutulan ng CBCP ang patuloy na pagpapatakbo ng mga casino.
Ngunit may mas na malalim na dahilan kung bakit kinukondena ng CBCP ang mga casino. Ayon sa dokumento, hinihimok ng mga casino ang mga taong mamuhay na para bang wala silang dapat panagutan sa buhay. Hindi lingid sa atin ang mga kuwento tungkol sa mga lulong sa pagsusugal na nasisira ang kabuhayan at nawawasak ang pamilya at sariling buhay. Ayon pa kay Archbishop Soc, ang paglikha ng isang lipunan ng pag-ibig at buhay—a civilization of life and love, sa Ingles—ay hindi lamang hangarin natin sa Simbahan. Pananagutan po ito ng bawat Katoliko. Ang anumang magwawasak sa pagkakamit ng isang lipunan ng pag-ibig at buhay—gaya ng pagkalulong sa pagsusugal—ay labag sa turo ng Simbahan at sa kalooban ng Diyos.
Sa puntong ito, kinakailangang maipaliwanag na hindi kaagad itinuturing ng Simbahang Katoliko na lantarang masama, o “intrinsically evil”, ang pagsusugal. Ayon sa Catechism of the Catholic Church, at sa turo na rin ni Archbishop Soc, may mga pamantayang dapat siyasatin kung moral o imoral ang pagsusugal at pagpapasugal. Para masabing moral, hindi dapat ito A-C-E: addictive, corruptive, o exploitative.
Una, hindi dapat addictive. Ang pagsusugal ay hindi dapat nauuwi sa pagkalulong sa bisyo na maaaring humantong sa pagpapabaya sa mga anak dahil sa paglustay ng salaping dapat sana ay para sa kanilang pagkain at pag-aaral.
Ikalawa, hindi dapat ito corruptive. Hindi dapat ito magturo ng katamaran, pagsisinungaling, pandaraya, at pakipagsabwatan sa katiwalian.
At panghuli, hindi dapat ito exploitative o nagsasamantala sa karupukan, kahinaan, at kalagayan ng kapwa, lalo’t higit ng mga dukhang dahil sa kawalan ng pag-asa ay napipilitang umasa sa tsamba.
ACE addictive, corruptive, exploitative.
Mga Kapanalig, sa pagsiyasat kung masama nga ba ang pagsusugal gamit ang mga pamantayang ito sa kasalukuyang katayuan ng bansa, minabuti ng mga minamahal nating mga obispo na ipalaganap sa mga Pilipinong Katoliko na ang pagsusugal ay labag sa turo ng Simbahan at taliwas sa utos ng Diyos. Huwag po nating hayaang maging “gambling republic” ang ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.