203 total views
Iniimbestigahan ng Commission on Human Rights CHR ang marahas at madugong dispersal sa mga magsasakang nagpo-protesta sa Kidapawan City sa North Cotabato.
Ayon kay CHR chairperson Jose Luis Chito Gascon, may pauna na silang report mula sa binuong fact finding team subalit hindi na muna inilahad ang resulta lalot kailangan pa nilang malaman ang tunay na nangyari at kung sino-sino ang dapat managot.
Posibleng sa katapusan ng linggong ito magpalabas ng initial report ang CHR hinggil sa insidente.
Partikular na iniimbestigahan din ng CHR ang ulat na gumamit ng live ammunition ang mga pulis sa kanilang dispersal.
“Nasa gitna kami ng imbestigasyon at ang aming unang team noong Biyernes, andun nag-interview sa ibat ibang saksi para kumuha din ng datus sa LGUs’, may forensic team din kami na pupunta sa Kidapawan, aalamin din natin kung totoo na gumamit ng live ammunition ang mga pulis, pag crowd dispersal ang pinag-uusapan, trabaho ng pulis na maging maayos ito, maari silang gumamit ng pwersa thru non lethal method of use of effort, kung gumamit sila ng live ammunition,aalamin natin yan,” ayon kay Gascon sa panayam ng Radyo Veritas.
Magugunitang limang magsasaka ang ang namatay habang marami pa ang sugatan sa madugong pagtaboy sa kanila ng magsagawa sila ng pagharang sa mga pangunahing kalsada matapos na hindi maibigay ng gobyerno ang kanilang subsidiya sa bigas.
Nagprotesta ang may limang libong mga magsasaka dahil sa pagkagutom bunsod na rin na hindi sila makapagtanim dahil sa epekto ng El Nino.
Sa ulat ng Pagasa, mahigit na sa 60 ang lalawigan na apektado ng El Nino sa bansa karamihan nito nasa Mindanao.
Una ng nanawagan ang Santo Papa Francisco sa kanyang encyclical on ecology na Laudato Si na pangalagaan ang kalikasan para malabanan ang malalang epekto ng Climate change gaya ng El Niño at La Niña