197 total views
Pinayuhan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Healthcare ang bawat isa na ingatan ang kalusugan sa gitna ng pabago-bagong klima.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cancino – Executive Secretary ng komisyon, ang katawan ng tao ang templo ng Panginoon at ginagamit sa paglilingkod sa kapwa kaya naman mahalagang mapanatili itong malakas at masigla.
Dahil dito, payo ni Fr. Cancino na mag saliksik at mag aral ng mga paraan upang mapatibay ang katawan laban sa mga epekto ng nagbabagong klima.
Ipinaalala rin ng pari ang kahalagahan ng madalas na pag-inom ng tubig, at pagdadala ng payong upang makaiwas sa heatstroke.
Bukod dito, mahalaga rin ayon kay Fr. Cancino ang pangangalaga sa balat sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagbibilad sa matinding sikat ng araw.
Batay sa datos ng Department of Health umaabot na sa 14 milyong Pilipino ang may hypertension na posibleng mauwi sa stroke kapag napabayaan dahil sa init ng panahon.
“Huwag po tayong masyadong mag expose under the sun at kumain tayo ng masustansyang pagkain. Hindi po dapat lahat ng pagkain ay kinakain mas maganda ay in moderation yan ang laging sinasabi sa atin. At mag exercise tayo, bigyan natin ng panahon ito dahil napaka dami nang hamon ng panahon hindi lang sa ating katawan, ito ay masasalamin din sa ating buhay pananampalataya, huwag p natin kalimutang manalangin, magdasal.” Pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Hiniling naman ng pari sa mga mananampalataya na tulungan ang kalikasan kahit sa maliit na pamamaraan upang mapaghilom ang sugat sa ating planeta at mabawasan ang pag init ng mundo.
Sa pag-aaral ng Global Climate Risk Index simula taong 1994 hanggang 2013 pang lima ang Pilipinas sa sampung bansang pangunahing naaapektuhan ng matinding pagkasira ng kalikasan dahil sa Climate Change.
Ayon sa Encyclical Letter na Laudato Si ni Pope Francis, lahat tayo ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.