182 total views
Nanawagan sa Commission on Elections si Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairperson Henrietta de Villa, na tiyakin na maging malinaw ang pagbibigay impormasyon sa mga botante at maging mga poll watchers hinggil sa ballot receipt o resibo ng balota sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay De Villa, nararapat tiyakin ng COMELEC na ipaalam sa mga botante at mangangasiwa sa halalan ang mga karagdagang direktiba na matiyak na manatili ang resibo ng balota sa loob ng mga presinto at hindi mailabas na maaring magamit sa dayaan partikular na sa Vote Buying at Vote Selling.
“Kasi merong bagong feature yung pagbabantay na walang lalabas na resibo na vote receipt nuh, walang mailalabas sa voting precinct kasi kailangan yun isuli dun sa box kung saan siya iiwan ano,” ang bahagi ng pahayag ni de Villa sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-iikot ng PPCRV sa may 86 na Diyosesis upang ipalaganap ang One Good Vote Campaign na layuning labanan ang kultura ng bentahan at pagbibili ng boto para sa isang malinis, tapat at maka-Diyos na halalan.
Sa survey ng Social Weather Stations o SWS sa pagtatapos ng 2015, nananatiling 50-porsiyento o katumbas ng 11.2-milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap na kadalasang biktima ng vote buying at vote selling tuwing halalan.