1,173 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang ma Pilipino na alalahanin ang sakripisyo ng mga bayani at isabuhay ang diwa ng kasarinlan sa bansa.
Ito ang mensahe San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, chairman ng komisyon sa paggunita ng ika-126 na taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo, dapat malaman ng mga kabataan, at ng susunod na henerasyon ang mga naging sakripisyo ng mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay upang mapalayaa ang Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya noong 1898.
Gayundin, ang panghihimok ni Bishop Presto na ipananalangin at alalahanin ang mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
“Binabalikan natin ang mga naging kontribusyon ng mga bayani natin, sila na nag-alay ng kanilang buhayu upang makamit ang ating kalayaan at gayundin ang marahil may kasama ang kababayan natin na sa pagnanais na pagkakaroon ng kasarinlan kanila ring ibinuwis ang kanilang buhay,” ayon kay Bishop Presto sa panayam ng Radyo Veritas.
Inaanyayahan din ng Obispo ang mamamayan na talimain at isabuhay ang tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon na italaga sa “Kalayaan, Kinabukasan, at Kasaysayan” na magkakaugnay sa pagtamasa ng Pilipinas ng kasarinlan na daang taong ipinaglaban.
Nawa ayon pa sa Obispo ay lagi ding alalahanin ng mga Pilipino na makipagtulungan at makiisa sa mga hakbang tungo sa patuloy na pag-unlad ng bansa at nang kanilang kapwa.
Pinaalalahanan naman ni Speaker Martin Romualdez ang mga Filipino na bahagi ng tinatamasang kalayaan at kasarinlan ay ang tungkulin sa pagtataguyod ng pagkakaroon ng makatarungang lipunan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Romualdez sa paggunita ng bansa ng ika-126 na Araw ng Kalayaan na ginanap sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, kung saan isinilang ang unang demokratikong republika sa Asya.
Sinabi ng pinuno ng Kamara na ang pagdiriwang ay hindi lamang paggunita sa kabayanihan ng mga Filipino, kundi ang pagtanggap din sa hamon na kanilang iniwan ang tungkulin na ipagpatuloy at mapanatili ang kalayaan laban sa mga mananakop, gayundin ang paglaban sa kahirapan, at kawalang katarungan.
“Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan—hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan,” ayon kay Romualdez.
Ang Araw ng Kalayaan ay taunang ipinagdiriwang ng Pilipinas tuwing June 12, bilang paggunita sa deklarasyon ng kasarinlan ng bansa mula sa Espanya noong 1898 at nagsimulang ipagdiwang bilang National Holiday noong 1978.
with Marian Pulgo